MAY LAMAT NANG PCSO KAILANGAN NA BANG PALITAN?

Ayon sa kasaysayan, ang mga loterya ay narito na sa Pilipinas noon pang 1833 kung saan nagsagawa ang Gobyerno ng Espanya ng mga loterya upang kumita. Sa katunayan, ang sarili natin pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ay nanalo ng 6,200 pesos sa isang loterya habang nasa isang pagpapatapon sa Dapitan. Inabuloy niya ang napanalunan sa isang proyektong pang-edukasyon, kung saan ang walang pag-iimbot na gawaing ito ay nagbigay ng pahiwatig sa kung ano ang magagawa kung mapalakas ang loterya para sa mga proyektong pangkawanggawa at kapakanang panlipunan.

Sa pagsiklab ng Rebolusyong Pilipino ay napilitang tumigil ang mga operasyon ng loterya at ito ay hindi hanggang sa unang bahagi ng 1930s na ang ideya ng pagsasagawa ng mga larong loterya ay muling binuhay. Noong 1932, ang unang Sweepstakes draw ay isinagawa ng gobyerno upang lumikha ng pondo para suportahan ang mga proyektong
pampalakasan para sa kabataang Pilipino sa pamamagitan ng Philippine Amateur Athletic Federation (PAAF) na siyang benepisaryo ng unang draw. Ang tagumpay ng PAAF Sweepstakes ay nag-udyok sa gobyerno ng Pilipinas na magsagawa pa ng mas maraming draw para mabenipisyuhan ang Philippine Anti-Tuberculosis Society na ngayon
ay Philippine Tuberculosis Society (PTS).

Ang mga draw ay ginagawa sa ilalim ng pagtangkilik ng National Charity Sweepstakes. Inisip ng mga mambabatas na palawigin ang mabebenipisyuhan at itinatag ang Sweepstakes bilang isang bagong pakikipagsapalaran sa paglikha ng mga pondo para sa pagtataguyod sa pampublikong kalusugan at kapakanan ng lahat. Marso ng 1935 ay inaprubahan ni noo’y Pangulong Manuel L. Quezon ang Act 4130 – ang Philippine Charity Sweepstakes na pumalit sa National Charity Sweepstakes. Sa ilalim ng batas na ito, ang bagong organisasyon ay nabigyan awtoridad na kumuha mula sa National Treasury ng isang “loan” na nagkakahalaga ng P250,000.00, ang pinakamaliit na halaga na kinakailangan para sa pag-organisa ng opisina at pag-imprenta ng mga ticket para sa loterya. Ang mandato
ng Sweepstakes ay tinanggap ng mga Pilipino at ang makataong misyon ay agad nahuli ang tiwala at suporta ng publiko.

Mula noon ang PCSO ay nananatiling isang mahalagang kabalikat ng gobyerno na madalas tinatawag upang magbigay ng pondo para sa mahalagang mga aktibidad sa kalusugan at kapakanan at mga proyekto sa buong bansa. Ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay linikha ng Kongreso ng Pilipinas noong 1975 bilang
pambansang ahensiya ng gobyerno na naatasang gumawa ng mga pondo para sa mga programang pangkalusugan, tulong medikal at mga serbisyo, gayundin ang mga kawanggawa. Subalit sa paglipas ng maraming taon at sa pagpapalit-palit ng mga namumuno ay naging kakambal na rin ang mga akusasyon sa pamamahala at kontrobersiya sa mga panalo.

Ang pinakahuli ay ang dinidinig ngayon sa Senado kung saan maraming espekulasyon ng pandaraya at pagbibigay-pabor sa piling tao, mismo ng General Manager ng PCSO. Makailang ulit na ngang nagkalamat ang integridad ng PCSO ngunit patuloy pa rin ang masang Pilipino sa pagbabakasaling manalo sa isang “palarong” napakaliit ang tsansang manalo. Sa kabila ng mga alingasngas ng kontrobersiya ay milyon-milyon pa ring Pilipino ang pumipila upang tumaya, kahit ang natitirang pera ay ipupusta sa inaasam na “swerte” lalo na kung daang-milyon na ang mapapanalunan.

Kung magpapatuloy ang mga pandaraya sa loterya ay hindi naman ang taong-bayan ang mawawalan kundi ang “mga benepisaryo” na higit na nangangailangan ng tulong dahil kung mananaig ang mga ganid ay mapipilay ang kamay ng gobyerno sa pagtulong dahil bilyon-bilyong piso lang naman ang naiaambag nito sa kaban ng bayan. Dahil tila hindi na nga maampat ang pagsasamantala sa PCSO ay baka mas mabuting humanap na at lumikha na ang gobyerno ng ibang pagkukunan ng pondo kapalit ng “pagsusugal” – mahirap ngunit kailangan na sigurong umpisahan ngayon.

Amianan Balita Ngayon