Medical marijuana, kailangan pa ng pagsasaliksik

LA TRINIDAD, BENGUET – Kinakailangan pa ng matinding pananaliksik sa paggamit ng medical marijuana, ayon sa isang opisyal ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).
Ayon kay PCAARRD Technology Transfer and Promotion Division Chief Science and Research Specialist Director Dr. Melvin Carlos, na kailangan ng Pilipinas na maging bukas sa pananaliksik at pagsulong tungkol sa mga benepisyo ng marijuana para sa medical at health purposes.
“In the Philippine context, we should be open to research regarding the benefits of marijuana para ma demystify din ito sa mga tao,” ani Carlos sa isang interview.
Ipinaliwanag niya na ang medical marijuana ay ginagamit ng maraming bansa sa buong mundo subalit ito ay para sa health purposes lamang at hindi para sa recreational purposes.
“We might as well look into this properly and look on how we can harness it as a possible research for the medical and health field,” ani Carlos.
Sa kasalukuyan, may mga pananaliksik nang nagawa sa paggamit ng cannabis at ng processed marijuana subalit ito ay pira-piraso lamang at hindi nakatuon sa medical at health purposes.
Idinagdag pa niya na kinakailangang magkaroon ng sapat na pananaliksik sa tamang benepisyo ngunit nangangailangan ng maraming pag-aaral ng iba’t ibang ahensiya na kinabibilangan ng Philippine Council on Health Development para sa pananaliksik ng benepisyo sa medical purposes at PCAARD para sa produksiyon kapag ito’y naaprubahan na.
Sinabi niya na ang probinsiya ng Benguet at rehiyong Cordillera ang makikinabang kapag ang medical marijuana bill ay pumasa dahil karamihan ng mga munisipalidad ay nagtatanim at gumagawa ng marijuana, subalit ito ay makokontrol at mahihigpitan.
Noong Setyembre ngayong taon, inaprubahan ng Committee on Heath of the House of Representatives ang committee level House Bill No. 180, “An Act Providing Compassionate and Right of Access to Medical Cannabis and Expanding Research into its Medicinal Properties.” RMC, PIA CAR / ABN

Amianan Balita Ngayon