MGA KONTRA-KOMPAS… SIGE PA RIN!

Habang sinusulat ang espasyong ito…oras o araw na lang ang binibilang…Araw ng mga Puso na. Pagkakaisa ng damdamin , pagmamalasakitan at pagpapahalaga sa ating kapwa. Ngunit sa ating nasisilip na mga kaganapan sa ngayon na maaring magpapatuloy sa hinaharap ay ang kasiraan o pagpapahina sa tunay na pagkakaisa. May mga
pansariling paghahangad na nakasisira sa sambayanan. Ito ang wawasak sa nasimulang malasakitan tungo sa mas
matatag na Pilipinas. Paano na ang Bagong Pilipinas? Noong nakaupo pa ang yumaong Ferdinand Marcos sr….nabuo ang Bagong Lipunan.

Dinaanan man ito ng mga unos at hagupit ng panahon sanhi ng kanya-kanyang mithi…hindi tuluyang nasupil ang ipinunlang pagkakaisa. Ito ay sa pamamagitan ng ipinamang ANAK na si Ferdinand Marcos Jr. na siyang magtutuloy sa hinawang landas tungo sa mas matatag na lipunan – ang Bagong Pilipinas. Kaya lang di pa man
nakakausad, matindi na ang mga unos, kabikabila hagupit. Isang mabigat na ehemplo ang ginawa ng isang Irene Khan, United Nations Special rapporteur for Freedom of Opinion and Expression nang kanyang hinihimok ang gobyerno ng Pilipinas na ipawalang-bisa ang Republic act No. 11479 o ang Anti-Terrorism Law of 2020 at ang RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ayon sa ating mga analysts…dapat igalang ni Khan ang soberenya ng Pilipinas at ang mga demokratikong institusyon nito na pinamamahalaan ng mga batas na masusing pinagaralan upang protektahan ang buhay ng bawat Pilipino. Sabi nga ng ilang mambabatas na dapat mag-ingat si Khan sa kanyang mga pahayag hinggil sa soberenya at dignidad ng Pilipinas at ng ating kababayan. Dagdag pa ng iba na dapat itigil ni Khan ang pakikialam sa mga gawain sa Pilipinas at igalang ang mga batas at institusyon. Ang nagpatindi sa tensiyon sa nakalipas na mga araw ay ang upak ng dating Pangulong si Rodrigo Duterte at mga kaalyado na ihiwalay ang Mindanao sa bansa.

Pero sa monitoring ng DILG sa pamamagitan ng ulat ni Sec. Benjamin Abalos Jr. na wala namang nahihikayat na makiisa sa panawagan ni Duterte mula sa Luzon, Bisayas at Mindanao. Ang rason…pagmamahal ng bawat Pilipino sa ating bayan. Nakabantay ang DILG at PNP sa mga kaganapan sa Mindanao sakaling may mga sumasakay pa rin sa isyu ng paghihiwalay. Sabi nga ng Department of Justice (DOJ) na dapat magkaisa ang lahat ng Pilipino particular sa mga tagaMindanao at tanggihan ang anumang pagtatangka ng mga politiko na pagwawatakwatakin ang bansa.

Giit ng DOJ na labag sa Article 11, Section 2 ng 1987 Constitution ang plano ni Duterte at iginiit ng ahensiya na bilang nangungunang tagapagtanggol ng batas sa bansa…ay ipaglalaban nila ang kalayaan at batas ng Pilipinas. May babala din ang National Security Adviser na si Sec. Eduardo Año na anumang pagtatangka ng “secession” o paghihiwalay ng parte ng bansa ay aaksiyunan ng puwersa ng pamahalaan. Sa karagdagang kaalaman hinggil sa isyu ng planong ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas…ay lantarang national security threat ito. Sa ilalim ng Konstitusyon, kapag may ganitong panganib ay papasok na ang puwersa-militar upang humadlang.

Noong araw, nadeklara ang martial law dahil sa communist rebellion. Ngayon, ayon sa mga analyst…pwedeng magdeklara ulit dahil sa isyu ng seccesion. Malinaw ang mensahe ni DND Sec. Año na mapipilitang gumamit ng lakas ng military kung lumala ang sitwasyon. Ayon sa mga maalam sa batas…sa ilalim kasi ng martial law, puwedeng baguhin nang mabilisan ang konstitusyon nang hindi na kailangan ang People’s Initiative. Matutupad ang adhikaing gawing semiparliamentary o unicameral ang gobyerno, ayon sa mga eksperto. Sana, hindi mangyari ang kasabihang “HISTORY REPEATS ITSELF” pahapyaw ni kolumnistang si Al Pedroche.

Daplis nga ng iba: sa sobrang ambisyon ng ilang pulitiko, hindi nila nalalaman na may nalalabag silang batas dahil nag-uudyok na sila ng pagkakawatak-watak ng tahimik nating bansa. Idalangin natin huwag sanang mapigtas ang pagtitimpi at bubuhayin ang isang lideratong diktadurya na ayaw ng nakararami. Adios mi amor, ciao, mabalos.

BUHAY AT KAMATAYAN

FINALLY HORIZON THREE

Amianan Balita Ngayon