PAF cargo plane, grounded sa paglipad

CLARK, Pampanga — Grounded muna sa paglipad sa himpapawid ang mga C130 cargo plane ng Philippine Air Force (PAF) matapos itong magkaaberya at masunog ang kaliwang bahagi nito habang paalis sa Clark Air Base.

Ayon kay Maj. Aristides Galang, tagapagsalita ng PAF, temporary suspension muna sa biyahe ang mga C130 Cargo Plane ng sandatahan lakas ng pilipinas para bigyang daan ang isasagawang inspection sa iba pang mga C130 aircraft para hindi na maulit ang insidente.

Sa kasalukuyan hindi pa matukoy ang sanhi ng sunog dahil nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa insidente.

Samantala, matatandaang paalis na ang C130 Cargo Plane ng PAF sa Clark Air Base dakong alas-7:00 ng umaga ng Miyerkules nang masunog ang kaliwang bahagi ng pakpak nito.

Ihahatid sana ang mahigit 100 na mag-aaral na sundalong opisyal na kumukuha ng Master in National Security Administration (MNSA), sa Pagasa Island sa West Philippine Sea bilang bahagi ng curriculum.

Francis Soriano/ABN

Amianan Balita Ngayon