PASKO AT TRAHEDYA!!!

Habang sinusulat ang espasyong ito, Paskong may samu’t-saring mga kaganapan na dapat sana’y
masaya. Mga trahedya ang mga bumulaga sa atin na may bahid ng luha sa ilan nating kababayan.
Ito ang sesentrohin natin mga pards: Unahin natin ang trahedyang naganap sa may Marcos Highway kamakailan. Tatlong sasakyan ang nagkarambola. Isa ang patay at labingtatlo ang sugatan. Itinakbo sa BGHMC. Ang mga biktima ay papuntang Baguio City upang magdiwang ng Pasko ngunit sinalubong ng trahedya sa may Taloy, Tuba.

Di pinangalanan ng mga otoridad ang nasawi at sugatan. Nakakalungkot isipin ang mga senaryong dapat ay magsaya subali’t napapangunahan ng sakuna o trahedya. Salamat sa mga taong sumaklolo sa naturang aksidente. Paulit-ulit naman ang panawagan ng Procor (PNP Cordillera) sa lahat ng mga drivers na dapat ay maayos ang sasakyan at mag-ingat sa pagbibiyahe. Nakakalungkot din ang
biglaang pagpanaw ng premyado at kilalang actor na si Ronaldo Valdez Gibbs. Nagulantang ang buong showbiz at mamamayan dahil sa hindi inaasahang pangyayari.

Ayon sa mga imbestigador, nakita ang bangkay ni Ronaldo na nakaupo tangan ang isang baril. Sumulpot ang hakahaka na siya ay nagpakamatay bagama’t hanggang sa ngayon ay nag-iimbestiga pa rin ang kapulisan hinggil sa kung ano talaga ang naganap. Luksangluksa naman ang anak nitong
actor din na si Janno Gibbs sa nangyari sa kanyang ama. Lalo niyang naala-ala na sa mga huling araw ng kanyang ama…malungkot daw ito at mabigat ang dinadalang depresyon.

Nalaman din na hiwalay pala sa asawa si Ronaldo sa nakalipas na limampung taon. Malungkot na Pasko para sa kanyang pamilya, mga tagahanga at mga taga-Showbiz at pinilakang tabing. Isa pang trahedya ang nangyari sa isang mag-ina at kaanak sa naganap sa isang beach resort. Ayon sa ulat,
nag-beach ang tatlo at sa gitna ng kanilang masayang paliligo sa dagat, nalunod ang ina at sinaklolohan ng anak at kaanak. Kumapit diumano ang ina sa dalawa hanggang sa sila’y nilamon ng alon at sabay na nalunod.

Sinikap naman ng mga taong nakasaksi na iligtas ang tatlo nguni’t huli na ang lahat. Masakit isipin na ang tatlo ay nagpunta sa beach upang magsaya nguni’t nauwi sa malagim nilang kamatayan. Sa
kanilang mga angkan, tiyak na hindi nila dama ang diwa ng Pasko. Sa nakalipas na mga araw ng Disyembre…sunod-sunod din ang mga napaulat na sunog ng mga kabahayan na nagresulta sa pagkawala ng buhay at mga ari-arian. Marami sa kanila ang tiyak na naghahanda na para sa Pasko at Bagong taon.

Ang pinakahuling ulat hinggil sa sunog ay ang isang trak na puno ng paputok ang sumabog at nasunog kung saan ilang sasakyan pa ang nadawit at natupok. May mga ganito ring eksena sa iba’t-ibang lugal sa ating bansa kaya iisa ang tanong: bakit kaya sa ganito panahon nagaganap ang mga
pagsubok? Wala sa atin ang kasagutan. Ang Poon lang ang nakakaalam. Anuman ang kaganapan sa ating buhay, wag tayong makalimut na may higit na nakapangyayari kaysa sa kagustuhan ng tao. Adios mi amor, ciao, mabalos.

“Rejoice always, pray without ceasing, give thanks in all circumstances; for this is the will of God in Christ Jesus for you.” – 1 Thessalonians

MALIGAYANG PASKO SA INYONG LAHAT

Amianan Balita Ngayon