PATAWARIN MO SILA…. KASI.. #@$%&????

Semana Santa na! Iisa ang ibig sabihin – MAGNGILIN TAYO. Ano ba ito? Masakit mang tanggapin ngunit isang katotohanan na marami sa mga Katoliko ang hindi alam ang tunay na katuturan ng katagang NGILIN. Sige, uriratin natin ito habang mahal na araw: Mahal na araw daw ang Semana Santa o Holy Week. Call kami diyan, pards. Malasin natin ang ating paligid lalo na sa mga pang-araw-araw nating gawa at ginagamit. Maryusep…talagang maipapako mo sa krus ang nagtataasang presyo ng mga bilihin. Laging sumasabay sa tuwing Mahal na Araw.

Walang pinetensiya. Maraming Herodes ang lalong sumasakal sa atin tuwing ganitong panahon. Nagpapasyon at nagmamakaawa ang mga mahihirap na sila’y kasihan at tulungan. Pero ni katiting na butil ng masarapsarap na bigas ay atin pang pinagkakait. Para lang sa mga may kaya daw ang masarap na bigas. Ang masaklap, itinatago pa. Pag nasukol, maraming rasones. Nganga ang mga nagiimbestiga. Ito ba ang ngilin? Ang sakalin at ipako sa krus ng kalbaryo ang mga naghihirap upang lalong maghirap sa likud ng ngiting-buwaya ng mga mapagsamantala at
mapagkunwaring moriones ng lipunan.

Buti pa ang pobreng ASNO…pinili itong sakyan ng Poong Hesus nang pumasok siya sa Jerusalem. Payak man ang buhay ng asnong ito, nakasama siyang bumaybay sa daang papasok ng Jerusalem kasabay ng mga nagbubunying naka-palaspas bilang tanda ng paggalang at pagmamahal sa Anak ng Diyos. Mapalad ang asnong ito at mga sumalubong na palaspas. Saksi sila ng tubusin ng Sugo ng Diyos ang ating mga kasalanan kapalit ng kanyang hininga. Sa makabagong panahon, bibihira na lang ang nakakasakay ng asno (donkey). Maliban sa mga lugal na mahalagang transportasyon ang mga asno o donkey, ginto ang kanilang katumbas.

Napakatamis na ngilin sana kung naisasakatuparan natin ang mga tagubilin ng Panginoon. Kung sana ay taos ang ating ABSTINENCE o FASTING. Kung sana ay kahit sa Linggong eto man lamang ay mabawasan kung di man maiwasan ang makamundong hangarin ng katawan. Kung sana kahit sa Linggong eto ay mapalago natin ang ating
RELASYON SA PANGINOON. Kung sana at huwag nating kalimutan na SYA lang ang nakakaalam ng ating kapalaran at SYA LANG ANG NAKAPANGYAYARI. KUNG SANA. Semana Santa: Mahalin ang kapwa at igawad ang
pagpapatawad na nagkasala.

Habilin at paala-ala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. netong Mahal na Araw…na magsilbi sanang liwanag ito sa lahat at panatilihin ang kabaitan at iwaksi ang ugaling makasarili. Dagdag pa sa kanyang mensahe na matamis ipanindigan hindi ang nagawa mo sa iyong sarili kundi sa iyong nagampanan para sa iba. At pangwakas niyang tapaik ang: “ipagdarasal natin ang mga taong maging mapagpakumbaba, tanggapin ang kanilang tunay na sarili
bilang hindi perpektong nilalang sapagkat sa pagiging tunay na tao, mararanasan ang kabanalan.”

Matalinghaga at malalim ang Daplis nito sa sangkatuhan at sana’y tanggapin natin ito na isang katotohanan.  At sa praktikal na kahulugan dahil ipit tayo sa nagaganap sa West Phil. Sea dahil sa pang-aapi ng China ….masarap pa ring sambitin ang mga katagang: PATAWARIN MO SILA SAPAGKAT DI NILA ALAM ANG KANILANG GINAGAWA! AMEN!! Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon