Sampal ni Digong kay Joma… say niyo?

Mga pards kapit kayo at lalong dumami ang mga kontrobersiyang hahatak sa atin sa kasalukuyan. Parang habagat na hinahatak ng bagyo, hane? Ano bang bago? Sampalan blues at ang bida rito ay si Pangulong Duterte. Ang kontrabida ay si Joma Sison ng CPP. Sus ginoo! Ano bang kinalaman ng sampalan sa tensiyon nila? Sige, sumunod ka lang pards at busisihin natin.

**********

Tanda ba ninyo na muling umalat ang dagat sa pagitan nina Digong at Sison dahil sa galunggong, este kalagayan ng kanilang kalusugan. Upak kasi ni Joma kamakailan ay na-comatose raw si Duterte. Hanoo? Yap, yan ang banat sa FB ni Joma. Natural, napanganga si Digong pati na mga alipores lalo yung nakasama niya sa Cebu para sa isang pagtitipon. Sabi nga ni Special Assistant to the President-Christopher “Bong” Go na mas malakas pa nga sa kalabaw ang pangulo at katunayan ay kasama niya sa isang programa kamakailan lang at walang katotohanan ang upak ni Joma. Sabi pa nga ni Bong Go – “nasa kama si Presidente Duterte, wala sa coma. Daplis pa  nga ni Bong na dapat daw ay yung letrang C ang ipalit sa J sa pangalan ni Joma. He he, para silang mga bata hane? Pero tama lang para malaman naman ang katotohanan, di ba? At siyempre unang-unang nag-react ay si Digong mismo. Natural, nagpanting na naman ang teynga niya. Nanigas na ulit ang panga. Di anong say niya?

**********

Bago ang say ni Digong, itong say muna ni Presidential Spokesman ang unahin natin. Kasi mas maanghang pa sa siling labuyo ang banat nito sa mga nagpipilit na may sakit si Pangulong Duterte na “magbigti na lamang ang mga ito”. Wow, maanghang nga pards. Parang nakakamana na yata si Roque ng tilamsik ng dila ni Apo Digong hane? Yan ang pahayag ni Roque dahil sa pinipilit daw ng mga kalaban ng pangulo sa pulitika na may sakit siya. Siniguro ni Roque na hindi itatago sa publiko ang tunay na estado ng kalusugan ni Pangulong Duterte dahil ito ay nakasaad sa ating konstitusyon. Pinatunayan ito mismo ng pangulo nang siya ay dumalo sa League of Municipalities of the Phils. (LMP) sa Cebu City na taliwas sa alegasyon ni CPP Chairman Jose Maria Sison na na-comatose raw si Digong. Walang iniindang sakit ang pangulo dahil nga umabot pa sa tatlong oras ang kanyang talumpati, dagdag pa ni Roque.  Ganern!

**********

Ito na ang upak naman ni Pres. Duterte: handa raw siyang lumipad patungong Europa para lamang personal na makita ang sitwasyon ng kalusugan ni Joma Sison. Sa unang public appearance nga ni Digong matapos pumutok ang alegasyon ni Joma, muli siyang umupak: “Pag nakita kita sa impiyerno, p…..mo, sasampalin kita. Don’t expect to go to heaven. Pero pag magkita tayo isang kanto sa impiyerno, totoo yan ‘no pag hindi kita sinampal. Comatose-comatose ka diyan”! Dagdag pa ni Digong na dapat ay lumipat na si Joma ng bansang magbibigay sa kanya ng kanlungan.  He he, talagang inis ang pangulo. Maalaala pa natin na sinabi niyang aabot pa siya sa 1,000 years. Sabat naman ni Joma na ayaw niyang mamatay na ang pangulo upang mapapanagutan pa niya ang kanyang diumano’y mga kasalanan. Haay buhay, sige lang kayo habang nanonood ang buong bansa at buong mundo. Kung saan hahantong ang inyong mga dila, bayan ang hahatol. Madaliin lang siguro ang ending ng mala-pelikulang seryeng ito dahil hindi kayo bumabata! Amen! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon