Tinimbang ka pero sira ang timbangan

Maryunes, akala namin ay sa mga palengke lang ang may mga dispalenghadong timbangan. Buong lipunan pala ang parang sirang timbangan, sigaw ng mga analyst! Paano nangyari ire? Paki-busisi nga ang daplis! Sige, pards, daplisan natin.

**********

Ang pinaka-malaking timbangan ay nasubok sa pagitan ng Pilipinas at China. Noon pang mga naunang administrasyon, nanimbang na sila hinggil sa relasyon ng Tsina at RP. Anong nangyari? Sus ginoo, ayun nasakop na ng China ang ilang isla natin. Sa totoo lang, base sa mga ulat nakapagpatayo na nga sila ng mga gusali at pati na airport. Na ang ibig sabihin, nakalusot sila sa timbangan? He he bulong nila: baka sira ang timbangan o baka naman sira ang mga nanimbang! Batobato sa langit!

**********

Kamakailan, napabalita na may panghihimasok at pakikialam daw ang Chinese Coast Guard sa ating mga mangingisda sa may islang sakop ng Zambales.  Pinagkukuha raw ng mga tsinong patrol ang magagandang isdang huli ng ating mga kababayang mangingisda. Tsk tsk, parang maliwanag na kotong yata ire, pards, di ba? Nanimbang ulit ang ating mga opisyal sa isyu, “barter” daw ang nangyari. Yun bang palitan ng produkto.  Ang kapalit daw ng isda ni Pinoy ay de lata, sigarilyo, noodles ng Tsino. He he sobra na tayo ng mga yan, di ba? Sa dami ng mga kalamidad sa ating bayan, ang mga yan ang kahiga-higa natin. Tapos, tatanggapin ng mga mangingisdang Pinoy ang mga yan kapalit ng mga pinaghirapan nilang mga isda? Maryunes, impusipos, sigaw ng marami.  Maliwanag talagang “kotong” yan na dapat lang imbestigahan ng Chinese government. Haayyy timbangang sira talaga.

**********

Kamakailan, may nasabat na mga illegal na kargamento sa kustom. Palusot kasi mali ang deklarasyon. Yun pala mga pekeng karga ang laman. Muntik na namang napalusutan ang mga taga-Kustom.  At siyempre, nanimbang na naman ang madlang pipol. Sabi nila hindi mangyayari yan kung walang nasisilaw ng salapi. Pero, teka lang mga pards, bakit yung bilyong halaga ng illegal na droga na napalusot nila, anong nangyari sa mga opisyal ng BOC noon? Hindi ba sila nasilaw sa kinang ng salapi? Asan na sila? Nanimbang sila pero anong resulta? Daplis ng ilan: sira siguro ang timbangan. He he, siguro nga.

**********

Noong selebrasyon ng ating Kalayaan sa Cavite sumabay ang protesta sa pagbibigay ng mensahe ni Pangulong Duterte. “Huwad na Kalayaan”..sigaw ng ilang kabataan. Kasi daw, kasama sa okasyon ang isang mataas na opisyal ng Tsina. Di ba raw, pang-Pinoy lang ang Araw ng Kasarinlan, eh bakit nahaluan ng “imported”? Sagot  naman ng Pangulo: hayaan natin silang maghayag ng kanilang damdamin dahil may “freedom of expression” o karapatang maghayag. Tinimbang ng bayan ang eksena. Anong resulta? Sabi ng ilan: sumigaw ka man kung walang makikinig, wala rin. Kung may makikinig man at di naman aakto, wala rin.  In short parang sira nga ang timbangan.

**********

Mga pekeng balita, lalo daw lumalala. E, bakit di matukoy kung sino-sino ang nagpapakalat kasi ng “fake news” at parusahan. May daplis ang isang Kongresista na pinatigil daw ni Pres. Digong ang pagpapatrolya natin sa West Phil. Sea. Sagot ng Palasyo, hindi totoo. Second the motion naman ang AFP.  Third the motion din ang mga Pinoy Fishermen nang sabihing wala raw silang nakitang Coast Guard Patrols nang sila’y kotongan ng isda ng mga tsino.  Maryunes, alin ngayon ang tama at mali? May peke bang ulat dine? Haayy naku, tama lang na may dumaplis: tinimbang kita ngunit sira ang timbangan!  Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon