Turista sa Atok lilimitahan para iligtas ang mga halaman at kapaligiran

Nais ng bayan ng Atok sa Benguet, tahanan ng mga nagiging popular na flower gardens na limitahan ang mga dumadagsang turista dito upang maprotektahan ang mga halaman at kapaligira nito.

Sinabi ni Mayor Raymundo Sarac na nasa tatlong daang turista sa isang araw ang dapat payagang pumasok sa Northern Blossom gardens. Sinabi rin niya ang parehong bilang ay pahihintulutan lamang sa Haights Place, isa pang flower garden sa bayan.

Umaakit ang Northern Blossom Flower Farm ng libolibong turista dahil sa pastel-colored flowers at rose cabbages nito.

Ipinagmamayabang din ng farm ang magandang tanawin gaya ng pamosong Mt. Pulag. Mabilis ding sumikat ang Haight’s Place dahil sa mga makulay na bulaklak at Sakura Park nito kung saan ang mga Cherry Blossoms mula Japan ay itinanim apat na taon na ang nakalilipas.

Kahit hindi pa masyadong magulang ang mga puno ng Cherry Blossoms at palaging dinarayo ito ng mga turista dahil sa kagalakan.

Sinabi ni Sarac na dahil sa malaking bilang ng mga turistang bumibisita sa mga flower garden ay napuna nila na ilang mga halaman ay nasisira, minsan ay natatapakan. Napansin din niya na ang lupa at daanan papunta sa mga nasabing atraksiyon ay nagugulo na naapektuhan ang pertilidad ng lupa.

Muling dumagsa ang turista ng alisin ni Mayor Sarac ang suspensiyon ng mga aktibidad sa turismo sa gitna ng banta ng COVID-19. Muli ding pinaalalahan ng mayor ang mga turista na magdala sila ng hand sanitizers, sabon at iba pa upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa.

Nanawagan din siya na respetuhin at sumunod sa mga regulasyon. Sinabi ni Sarac na kailangang magrehistro ang mga turista sa tourism office ng bayan bago pumunta sa mga tourist areas sa Atok.

 

AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon