3 lalaki huli sa tangkang pagkidnap sa Kalinga

CAMP BADO DANGWA, BENGUET – Tatlong kalalakihan ang nadakip ng pulisya sa hot pursuit operation, matapos mabigong kidnapin ang isang menor-de-edad sa may Balinciagao, Norte, Pasil, Kalinga, dakong ika-9 ng gabi ng Hulyo 24, ayon sa Police Regional Office-Cordillera.
Sa ulat ng Kalinga Provincial Police Office, kinilala ang mga nadakip na sina John Rey Beatingo Pedrosa, 29, ng Sta. Rosa, Laguna; Michael Paez Perilla, 28, ng Batuhan, Pola, Oriental Mindoro; at Ronald Gapuen Melanis, 43, ng Pangi, Matnog, Sorsogon.
Sa imbestigasyon, agad na inaksyunan ng pulisya ang reklamo ng isang 11 anyos na lalaki, ng Balinciagao Norte, Pasil, Kalinga, sa diumano ay tangkang pagkidnap sa kanya ng mga suspek.
Ang mga suspek ay lulan ng 6-wheeler container van truck na may plakang AAQ 7628 at habang papadaan sa Abra-Kalinga road sa may bisinidad ng Balinciagao Norte, Pasil, Kalinga, ay tinangka umanong hatakin ang biktima papaloob ng trak, na namataan ng ilang residente. Mabilis na nakapiglas at nakatakbo ang biktima papalayo sa mga suspek. Napag-alaman na ang container van truck ay pag-aari ng Cher-View Manna Corporation, N. Valderrama St., Siniloan, Laguna. ZALDY COMANDA

Amianan Balita Ngayon