ANG SERBISYO PUBLIKO AY ISANG PAGTITIWALANG PUBLIKO

Isa si Mayor Benjamin Magalong sa mga ilang tao sa mundo ng pulitika na iginagalang at kinikilala sa pagiging matapang, may prinsipiyo at mapagkakatiwalaan. Ang mga katangiang ito ay napatunayan sa kaniyang mahabang karera sa pagiging isang sundalo at opisyal. Hanggang sa kaniyang paglusong sa maputik na arena ng pulitika ay pinatunayan niyang kayang magsilbi ng isang tao sa kabila ng pagiging bago sa larangan at walang malakas na makinaryang pulitikal.

Mula nang unang sumabak siya sa pulitika at manalo ng kaniyang unang termino bilang mayor ng Baguio City noong 2019 at hanggang sa kasalukuyang pangalawang termino ay di naman
matatawaran ang kaniyang mga nagawa para sa lungsod. Sa karagdagan ay marami pa siyang plano para mapaunlad at “malinis” ang lungsod ng mga pino. Isa dito ay ang pinaayos at pinalawak na mga pabahay para sa mga mamamayan ng Baguio. Subalit sa pagtatapos ng kaniyang ikalawang termino ay nahaharap sa legal na usapin ang magiting na heneral.

Sa pangalawang pagkakataon ay muling inihabla ito (bagaman iniurong ang unang reklamo) sa kaso naman ng katiwalian. At sa pangalawang pagkakataon ay muling inihabla ang butihing mayor ni Councilor Mylen Yaranon sa Office of the Ombudsman. Inakusahan si Magalong ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at sa Code of Conduct and Ethical Standards (RA 6713). Nag-ugat ang reklamo sa pagbili ni Magalong ng isang lote sa Sitio Topinao, Poblacion, Tuba na sinasabing para sa isang socialized housing project.

Ayon pa sa reklamo, hindi awtorisado ang pagbili ng lupa at hindi kabilang sa mga aprubadong
plano ng City Council. Isa pa, ang orihinal daw na presyo ng lupa ay nasa PhP1,500 per square meter, binili ito ng lungsod sa mas mataas na halagang tumataginting na PhP95,377,000. Umusbong ang kontrobersiya nang hilingin ni Mayor Magalong sa City Council ang awtorisasyon na pumasok sa isang Deed of Absolute Sale na inialok ng isang William Tan at ng kaniyang anak na babae. Ayon kay Councilor Yaranon ay hindi kailanman binigyan ng City Council ng pahintulot ang mayor na ipagpatuloy ang naturang bentahan ng lupa.

Sa isang kasunod na pagsisiyasat ay napag-alaman na ang pagbili ay hindi bahagi ng long-term development plans ng Baguio at ang iba pang mga potensiyal na alok para sa pabahay mula sa iba’t-ibang may-ari ng lupa ay diumano’y isinantabi. Gaya ng isang matapang at maprinsipiyong tao at opisyal ay handa raw harapin ni Mayor Magalong ang asunto upang malaman ang buong katotohanan at malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo, at kung sino ang nagsisinungaling.

Si Councilor Yaranon ay isang masidhing kritiko at kaibayo sa pulitika ni Mayor Magalong. Ang ginawang reklamo ay huwag sanang mabahiran ng pamumulitika dahil sa nalalapit na namang “mid-term elections”. Ang serbisyo publiko ay isang pagtitiwala ng publiko at ang tunay na pagseserbisyo ay walang bahid-katiwalian. Bagama’t nakakaamoy tayo ng usok ng naglalagablab na anomalya ay kinakailangan nating hintayin ang kahihinatnan ng kaso sa korte. Manaig ang nagsasabi ng katotohonan at hindi ang may pansariling interes lamang. Good luck na lang sa dalawang partido, may the best man win ika nga.

Amianan Balita Ngayon