Baguio, “High Risk” na lugar – bakit?

Editorial

Ayon sa mga eksperto, pababa na raw ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, ngunit kailangan daw na ikonsidera ng gobyerno ang mas mahigpit na klasipikasyon ng quarantine sa 13 lugar na
nakita nilang may pagtaas sa transmisyon ng sakit. Binigyan pansin ng UP OCTA Research Team sa ulat nito noong Oktubre 6 na sa nakalipas na tatlong linggo ay nakita nila ang pagtaas sa “daily attack rates” per 1,000 population sa 11 high-risk areas : Benguet (kasama ang Baguio City); Nueva Ecija; Quezon; Pangasinan (kasama ang Dagupan); Davao del Sur (kasama ang Davao City); Iloilo (kasama ang Iloilo City); Misamis Oriental (kasama ang Cagayan de Oro); South Cotabato; Surigao del Sur; Western Samar at Zamboanga del Sur (kasama ang Zamboanga City).

Tinukoy din ng OCTA Research Team ang mga lungsod ng Makati, Baguio, Mandaluyong at Lucena na “top high risk areas” para sa COVID-19 dahil sa tumaas na average new case recorded per day at critical care occupancy na umabot sa 69% at mas mataas pa. Base sa pinakahuling ulat ng OCTA ay nangunguna ang Makati sa listahan na nakakapagtala ng average na 59 kaso ng COVID-19 bawat araw at isang 10% attack rate mula Oktubre 11 hanggang 17 na may critical care occupancy na 79% hanggang noong Oktubre 16.

Pumapangalawa ang Lungsod ng Baguio na may average na 39 kaso ng COVID-19 na naitatala sa bawat araw, may attack rate na 11.1% habang ang hospital capacity ay nasa 69%. Ang “safe level” ng attack rate ay nasa 7%. Nasa ikatlong puwesto ang Mandaluyong City na may average na 34 kaso bawat araw, 8% attack rate at hospital capacity na 75%. Ikaapat ang Lucena City sa Quezon na may 24 kaso ng COVID-19 bawata araw, 8% na attack rate at hospital capacity na nasa 95%.

Sinabi ng OCTA team na ang mga lugar na ito ay ikinonsiderang “high risk” dahil may daily attack rate sila na mas mataas sa isang porsiyento at may naiuulat na pataas na trend mula noong Setyembre 16. Ang attack rate ay ang percentage ng populasyon na tinatamaan ng sakit sa isang panahon.

Nakakabahala na ang mga natukoy na probinsiya at lungsod na “high risk” ay maaaring makaranas ng panghihina ang kanilang health care system at kanilang medical frontliners. Sinabi ng mga awtoridad na nangunguna sa pagresponde sa COVID-19 na ang bansa ay pumasok na sa “Phase 3” ng plano ng gobyerno para tugunan ang pandemya ngayong Oktubre, isang hakbang na papayagan ang mas maraming negosyo na magbukas at mas maraming tao ang maaaring lumabas ng kanilang bahay at ang pagbubukas ng turismo sa Lungsod ng Baguio sa mamamayan ng Metro Manila at buong Luzon.

Hindi kaya ang hakbang na ito ay lalong magpapalala sa sitwasyon at muling aasahan ang pagtaas ng mga kaso? Dahil habang pinaluluwagan o binabawasan ang mga restriksiyon ay aasahan natin ang mas mataas na mga kaso na nakita na nating nangyari sa mga nakalipas na mga buwan?

Hanggang Biyernes, Oktubre 23 ang Pilipinas ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa Southeast Asia ay may mahigit 366,000 kaso at 6,915 na ang namamatay, sa kabila ng pagkakaroon ng pinakamatagal na lockdown sa buong mundo. Sa Lungsod ng Baguio ay nakapagtala na hanggang Oktubre 22 ng 1,790 kumpirmadong kaso, 545 aktibo, 1,221 gumaling at 24 namatay. Karamihan ng naidadagdag na kaso ayon sa mga awtoridad ay resulta ng contact tracing.

Mungkahi ng mga eksperto sa gobyerno na masusing bantayan ang mga lugar (high risk) at paigtingin ang pagsisikap sa testing, tracing at isolation upang mabaligtad ang pagtaas ng hawaan. Gayundin na ikonsidera ang mas mahigpit na klasipikasyon sa mga lugar na may limitadong hospital capacity at tumataas na bilang ng mga bagong kaso.

Paliwanag ng mga awtoridad na ang pagtaas ng mga kaso ay resulta na rin ng pinag-ibayong contact tracing, maaaring maintindihan ng tao ito ngunit ang hindi yata maunawaan ay tila magkasalungat yata ang mga hakbang dahil habang sinasabi ng mga awtoridad ng kalusugan na panatilihin ang mahigpit na pagsunod sa health protocols ay pinaluluwagan naman ng mga namumuno sa pagresponde sa pandemya ang mga restriksiyon sa pagbukas na ng mas malayang paglalakbay ng mga tao at mga paggalaw?

Huwag na sanang madagdagan pa ang mga lugar na tutukuying “high risk” sa transmisyon ng COVID-19 ngayong mas maluwag na sa maluwag ang paggalaw ng mga tao.