Bartender, sinaksak ng lasing na kargador

Sinaksak ng lasing na kargador ang isang bartender sa sidewalk ng Children’s Park, Kisad Road, Baguio City, paharap sa Ina Mansion noong June 26, 2017.
Ayon sa imbestigasyon, dakong 9:50pm ng June 26 nangyari ang pananaksak sa biktimang si Van Philip Catacutan Baylon, 20, single, bartender sa Spoon and Stone, at residente ng Lower QM, Baguio City laban sa naarestong suspek na 17-anyos na binatilyo, out-of-school-youth, kargador sa Kayang Street at residente ng Upper Cadmaan, Tuba, Benguet.
Inihayag sa imbestigasyon na naglalakad ang biktima sa sidewalk kasama ang kasintahan nitong si Daisy Salvador nang makasalubong nila ang suspek at isa pang kasama nitong lalaki. Nang umupo ang biktima sa isang flower box kasama ang kasintahan, nilapitan sila ng suspek at kasama nito at humingi ng tulong dahil sa kalasingan nila, ngunit ang kasintahan nito ay tumayo at tumawid sa kabilang kalsada at iniwan ang biktima.
Nang biglang ilabas ng suspek ang isang kutsilyo at hiningi sa biktima ang kaniyang cellphone. Sinabi ng biktima na ang kaniyang cellphone ay nasa kasintahan ngunit sinaksak na ng suspek ang biktima sa likod nito nang isang beses. Ang biktima ay itinakbo sa hospital para sa agarang lunas. Narekober ang armas na ginamit. Ang kaso ay kasalukuyang sinisiyasat.

Amianan Balita Ngayon