Maaaring isang magandang balita para sa mga manggagawa at maaaring isang regalo bago ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Mayo 1 ang inilabas ng Employees’ Compensation Commission (ECC), isang attached agency ng Department of Labor and Employment (DOLE) Board Resolution No. 21-04-14 kung saan ibinibilang na ang coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa listahan nito ng “occupational and work-related diseases” at bilang isang “compensable disease”.
Ayon sa DOLE, ang isang nagpositibo sa COVID-19 na manggagawa ay maaaring makakuha ng PhP30,000 bilang bayad-pinsala sa ilalim ng Employees’ Compensation Program ng ECC at ang halagang ito ay inirekomenda ng ECC Board para aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sakop ng handog na ito ng Employees Compensation (EC) ay ang mga manggagawa na apektado ng COVID-19 sa panahon ng pandemya. Ang mga kukuha nito ay kailangang magsumite ng mga sumusunod na dokumento : certificate of employment mula sa employer, ipinapakita ang mga huling araw ng pagreport sa mga trabaho; reverse transcriptase-polymerase chain reaction (RT-PCR) test result na nagpapakitang positibo sa Covid-19 mula sa alinmang Department of Health (DOH)-accredited testing facility; medical records kung naaangkop; at application forms.
“Sa Annex A, PD No. 626, na binago gaya ng sumusunod: Coronavirus disease 2019 (Covid-19)-clinically diagnosed and consistent with the history, and signs and symptoms of Covid-19 supported by diagnostic proof to include reverse transcriptase-polymerase chain reaction (RT-PCR) is compensable in any of the following conditions: a) There must be a direct connection between the offending agent or event and the worker based on epidemiologic criteria and occupational risk (e.g. healthcare workers, screening and contact teams tracing team; b) The tasks assigned to the worker would require frequent face-to-face and close proximity interactions with the public or with confirmed cases for health care workers; c) Transmission occurred in the workplace; or d) Transmission occurred while commuting to and from.”
Ang karaniwang bayad-pinsala sa mga may-kaugnayan sa trabaho na mga sakit ay PhP10,000 hanggang PhP15,000 ngunit kung ito ay COVID-19 ay PhP30,000 ang bayad sa ilalim ng ECC resolution. Wala daw itong pagtatangi maging mild man ito o severe at kung nangangailangan ang pasyente ng operasyon o karagdagang pagkaka-ospital ay andiyan naman daw ang PhilHealth ayon sa DOLE. Ang Employees’ Compensation Program ay nagbibigay ng isang pakete ng mga benepisyo para sa mga empleyado ng pampubliko at pribadong sektor at kanilang mga pamilya sa oras ng pagkakasakit na may-kaugnayan sa trabaho, pagkapinsala o pagkamatay.
Maganda ngang balita ito para sa mga manggagawa na kahit paano ay maiibsan ang pangamba ng gastusin kung sakaling may mangyari sa kanila habang nagtratrabaho. Ngunit masakit mang tanggapin na sa gitna ng pandemya ay kailangan pang magkasakit ng COVID-19 upang makakuha ng tulong at ang pag-aalinlangan kung may pondo pa para dito dahil sa mga ilang reklamo na hindi pa natatanggap ng ilang healthcare frontliners ang kanilang hazard pay at ilan pang pagkaantala ng mga bayad-pinsala.
Ang pandemya ng COVID-19 ay may napakalaking epekto sa ekonomiya at labor market sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas. Ang mga hakbang na ginamit upang masugpo ang pagkalat ng sakit ay nagpasara sa mga pangunahing sektor ng ekonomiya at mayroong agarang malawak na epekto sa trabaho at hanapbuhay. Dulot nito ay halos apat na milyong manggagawa sa bansa at sa ibayong-dagat ang matinding naapektuhan ng pandemya.
Ang gobyerno ay rumesponde sa malalim at malawak na mga epekto sa labor market sa pagbibigay ng ayuda para sa mga nawalan ng trabaho gaya ng subsidiya sa sahod, pinansiyal na tulong, at benepisyo sa pagkawala ng trabaho. Ang mga direktang paglipat ng sahod ay nakatulong maibsan ang panandaliang pinsala sa ekonomiya ng mga lockdown at restriksiyon.
Subalit sa kasalukuyang mga pangyayari na patuloy ang pagdami ng mga kaso ng hawaan, ay hindi pa rin matiyak kung kailan makakabawi ang ekonomiya at maibalik ang isandaang porsiyento ng trabaho sa maraming mamamayan ay kailangan pang pag-ibayuhin ng gobyerno ang matalinong pagresponde at pamamahala sa pandemya. Dalawang taon ng ipinagdiriwang ang Araw ng Paggawa na hirap ang mga manggagawa dahil sa COVID-19.
Sa kabila nito ay huwag tayong mawalan ng pag-asa, ang pagtutulak ng gobyerno na paigtingin ang programang pagpapaunlad sa imprastruktura nito, panatilihin ang matatag na inflation at mababang interest rates, at ang napipintong pagkakaroon ng mga bakuna sa COVID-19 ay dapat maktutulong sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya at pasiglahin ang paglikha ng mga trabaho. Sana mangyari na ito.
November 1, 2024
October 26, 2024
October 19, 2024
October 12, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024