HUWEBES ng ipahayag ng ating Ama ng Lungsod na natuldukan na ang mga outbreak na humampas simula noong
Bagong Taon. Natapos na rin ang mga pangungumusta sa ating mga tiyan, dulot na rin ng acute gastro-enteritis na
tumama sa marami nating mga kababayan. Kapansin-pansin ang mga testing na isinagawa upang mabago ang sitwasyon na nagdulot ng pangamba nitong huling mga araw. Ang iba nga, naimbyerna dahil baka raw maapektohan ang turismo, lalo na at paparating sa susunod na buwan ang Panagbenga, na siyang pangunahing festival na taas-noo nating ipinagdiriwang.
Okey ka na ba tiyan? Magandang panimula ang Webes na nagdaan. Buong kumpyansang ipinahayag ni Mayor Benjie, na nawakasan na ang “Outbreak” na tumama sa maraming taga-Baguio, higit sa 2,000 na insidente ng mga may sakit na nasa mga ospital at sa mga bahay-bahay. Sa isang maikli ngunit mahalagang pahayag, kanyang
madiing sinabi na kumakalma na ang sitwasyon, ang outbreak ng mga pananakit ng tiyan ay nagwakas na. Kanyang
isiniwalat na ang mga insidente ng pananakit ng tiyan ay dumadausdos na ng pababa, halos 500 na lamang na
kinakitaan pa ng pagbabalik sa normal na kalagayan.
Nakakalungkot lamang na ang mga nakaraang mga pahayag ng ating Alkalde ay pinagtataasan pa ng mga kilay. May mga nagdududa, bagamat kaakibat ng mga pahayag ay mga datos na kinalap ng mga nakaaalam. Alam natin na hindi ito ang unang pagkakataon na umaani ang Alkalde ng Baguio ng mga pasaring, na tila yata nasobrahan ang kanyang pagkakaunawa sa sitwasyon ng mga gastro cases dito sa Baguio. Ang tila hindi nailalahad ay ang mga insidente ng mga kaso ng pananakit ng tiyan simula pa noong katatapos na Kapaskuhan.
Noon pa pala nagkakaroon ng mga kasong ganito. At alam naman natin ang kultura ng Pilipino kapag may mga handaan. Kainang walang kasawa-sawa. Kainang walang puknat na tila huling araw na ang pinagkakabusugan.
Paano nga ba hihimayin ang mga ipinahahayag sa sambayanan? Gaano nga ba kadalas ang minsan? Kailan ba dapat bigyan ng tamang babala ang mga mamamayan sa sitwasyon ng mga sakit ng tiyan? Hindi ba’t pangunahing
tungkulin ng isang punonglungsod ang pagseseguro na ang kalusugan at kapakanan ng kanyang mga pinagsisilbihan?
Nandyan pa ang mga mapanghimasok sa pamamahala ng sitwasyon. Meron pang ipinag-gagaliiti na magbubunga raw ang mga babala ni Mayor Benjie. Babagsak daw ang turismo, mawawalan ng ganang umakyat ng Baguio para iwassakit. May malaking halaga ang mga naunang babala ng ating Mayor. Kailangan naman kasi ang tamang pagbabalanse sa pangunahing kapakanan ng mga taga-Baguio laban sa mga pagkilos na muli at muli ay mahikayat ang mga turista na langhapin ang sariwang hangin ng lungsod. Hangarin din n gating mga bisita ang lumugar dito ng ilang mga araw upang kahit papaano ay magkaroon naman sila ng pagkakataon na makahulagpos sa napakainit na kilma, na makahulagpos sa napakagulong sitwasyon sa anumang dako ng bansa, lalo na sa Kamaynilaan.
Kaya naman, napapanahon na ating tanungin ang ating mga sarili: Dadalasan pa ba natin ang mga minsanag nangyayari? Hindi maitatatwa na minsan ang nagdeklara ang pinuno ng lungsod na mayroon tayong “outbreak” na matatawag, dahil na nga sa kakaibang mataas na bilang ng mga nagdurusa sa sakit ng tiyan. Unawain naman sana ang istilo ng pamamahala ng ating Mayor. Sa loob ng halos ay maglilimang taon nan g kanyang liderato, hindi sya ang tipong ikukubli ang katotohanan ng anumang sitwasyon, makahikayat lang ng mga bibisita sa Baguio.
May tuwirang hangganan ang mga binibitawang pahayag ng isang mapagkakatiwalaang opisyal, lalo at higit ang tiwala na kanyang pinagsasandalan. Gaano man ka-seryoso ang kanyang mga pahayag, lalo na kung tungkol sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan, ito ay kanyang ihahayag ng tuwiran. Hindi nya ito ipagkikibit ng balikat. Kanyang ihahayag ang tunay na totoo, gaano man kabigat ang magiging pandinig sa iba. Ito ang mga araw na kailangan nating bigyan ng lakas ang mga ginagawa ng mga kaukulang sangay ng pamahalaan, lalo na ang City
Health Service Office, upang kanilang magampanan ng buong katapatan ang kanilang mga mandato sa serbisyo.
Hindi ito labanan ng papogi-pogi at pangiti-ngiti upang mangibabaw sa pagtingin ng mamamayan. Ito ay usapin tungkol sa tama at mali sa larangan ng panunungkulan. Tandaan natin na sa simula pa lamang, mahigpit ang kapit ng mga prinsipyong pang-kagalingan sa liderato ng isang Alkaldeng tulad ni Benjie. Walang kyemekyeme, walang atubili, kanyang aasikasuhin ang nararapat, anuman ang hamong ng anumang pagkakataon. AngatTayoBaguio. Dahil sa tiwala, ang lahat ay magaganap, anuman ang hamon, anuman ang panahon, anuman ang pagkakataon.
January 27, 2024
December 9, 2024
December 9, 2024
December 9, 2024
December 9, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024