IPs sa host community ng Philex, humiling ng dagdag compensation

LA TRINIDAD, BENGUET – Nagpahayag ng hinanakit ang humigit kumulang 20 indigenous people na kabilang sa host communities ng Philex Mining Corporation (PMC) sa kanilang pagharap sa Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Benguet noong Hunyo 25 sa SP Session Hall ng Provincial Capitol sa bayang ito.
Ang mga umaapela ay mga residente na land owners na kabilang sa indigenous cultural communities na Ibaloi at Kalanguya sa Barangay Ampucao, Itogon, Benguet.
Humihiling ang mga ito ng dagdag na bayad-pinsala dahil sa ginagawang konstruksyon ng Tailings Storage Facility No. 3 (TSF3) ng PMC.
Sa petition-resolution na inihain ng SP ay iginiit ang kahilingan kay Department of Environment and Natural Resources Sec. Roy E. Cimatu sa pamamagitan ni Mines and Geosciences Bureau officer in charge Atty. Alfredo G. Moncano at DENR Regional Director Fay W. Apil na magsagawa ng assessment at reassessment ng compensation sa apektadong IPs sa ginagawang TSF3 ng PMC.
Ayon sa petisyon, ang naturang IPs, kabilang na ang kanilang mga ninuno, ay matagal nang ginagamit ang mga lugar sa paligid ng Bagbag, Talnag at Balog Creek partikular sa mga sitio ng Talnag, Balog, Cotcalbal, Sedwing at ilan pang kalapit na lugar sa Barangay Ampucao bilang irrigated farms at mga garden at tinaniman ng mga namumungang puno.
Noong 1979, sinimulan ng PMC ang paggawa sa TSF3 sa kabila ng pa gsalungat ng mga sangkot na IPs. Ngunit ang proyekto ay sinang-ayunan din ng IPs matapos na diumano ay nangako ang PMC ng compensation, relocation, at mapagkukuhanan ng kabuhayan.
Hayag pa rin ng petisyon na ilang taon ang lumipas bago naibigay ang ipinangakong compensation na anila ay nasa P4 kada metro kwadrado lamang.
Ang relocation area, na ipinangako ng PMC sa salita lamang, ay hindi rin umano naibigay kaya ang mga apektadong IP ang naghanap ng sarili nilang malilipatan sa paligid ng TSF3.
Ngunit dahil sa pagpapalawak ng TSF3 ay muli umanong nasira ang mga nilipatang lugar ng mga ito.
Upang matugunan ang apela ng mga apektadong IP ay inaprobahan ng SP ang resolusyon upang magawan ng hakbang ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno. Ang naturang resolusyon ay buhat sa Ampucao Barangay Resolution No. 27 series of 2018.
Naimbitahan din ang pamunuan ng Philex Mining upang mabigyan ng linaw ang mga iniapela ng mga apektadong IP ngunit nagpadala lamang ng sulat ang pamunuan ng kompanya na nagsasabing hindi makakarating ang kanilang mga kinatawan sa Hunyo 25 bunsod ng “prior commitments” na kailangan nilang harapin.
Sinabi rin sa sulat na ang kompanya ay hindi pa nabigyan ng kopya ng resolusyon kaya hindi makapagbigay ng nauukol na pahayag tungkol sa apela ng IPs ngunit nangako ang PMC na tutugunan ang mga hinaing na nasasaad sa resolusyon kapag natanggap nila ang kopya nito.
Ayon naman kay Felizardo Gacad Jr., chief science research specialist ng MGB, na magkakaroon ng reassessment at re-evaluation sa lugar na apektado ng konstruskyon ng TSF3 upang i-validate ang claims ng mga nagpetition.
Aniya, ang maaari lamang mabigyan ng compensation ay ang mga ari-ariang naapektuhan ng nasabing konstruksyon. MARK JASON SELGA, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon