Isang nakaambang rebolusyon nahadlangan dahil sa COVID-19

Matapos ang makasaysayang 1986 People Power revolution ay sinundan ito ng dalawa pang EDSA revolution, ang EDSA Dos noong Enero 2001 kung saan mapayapang napatalsik ang noo’y pangulong Joseph Estrada at ang EDSA Tres na nangyari ilang buwan lang matapos ang EDSA Dos noong Abril 2001 kung saan sumiklab ang protesta na humantong sa pagkakaaresto ng pangulo sa Malakanyang.

Ang huling dalawa ay hindi ganun kapayapa dahil sa pag-atake ng mga nag-riot sa mga police at mga kawani ng media at marami ang nasaktan. Ang patotoo sa huling dalawang EDSA revolution ay maaaring magkakaiba sa turing ng ilan depende kung sino ang tatanungin, ngunit ang epekto ng mga rebelyon na ito sa mga Pilipino ay iisa ang kinahantungan – ang hindi pag-usad ng bayan.

Sa parehong rebolusyon ay dalawang babaeng Pangulo ang nailuklok, Corazon Cojuangco Aquino at Gloria Macapagal Arroyo. Upang magpasiklab ng isang rebolusyon ay kinakailangan ng malaki, makapangyarihan, malawak at mga popular na representasyon sa mga tao ng ipinaglalabang isyu.

Sa unang rebolusyon sa EDSA na nagpatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos isa sa malaking isyu maliban sa pagpaslang kay Ninoy Aquino na dahilan upang tuligsain ang dating pangulo ay ang kaniyang pagpapasara sa ABS-CBN, naging matagumpay ang pagbubuklod at sabwatan ng mga taong kalaban ni Marcos upang siya ay mapatalsik.

Dahil sa 1986 EDSA revolution ay ibinalik ni Cory Aquino sa ere ang ABS-CBN na namayagpag ng husto sa loob ng 34 taon. Tama, tila nauulit nga ang kasaysayan dahil muling naipasara ang higante at makapangyarihang TV at Radio Network sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa unang buwan ng taong 2020 ay inumpisahan na ang mga pagkilos at pagpapahayag na muling bigyan ng panibagong prangkisa ang istasyon na ginawa ng mga artista at empleyado nito. Unti-unti na ring nakikialam ang ilang politiko, mga iba’t-ibang grupo at kilalang personalidad na bumabatikos kay Duterte.

Hanggang sa sumiklab ang pandemya ng COVID-19 na mistulang nagpatigil sa lahat ng tao kung saan kailangang isailalim sa state of health emergency ang bansa na kalauna’y ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine/Lockdown sa buong Luzon.

Subalit kahit pa sa gitna ng krisis sa kalusugan ay hindi naging hadlang sa kasalukuyang gobyerno partikular ang Office of the Solicitor General (OSG) at National Telecommunications Commission (NTC) na ipahinto ang operasyon ng ABS-CBN dahil sa pumaso at hindi narenew na prangkisa. Walang nagawa ang network kundi ihinto ang operasyon at tuluyang nawala sa ere alas-otso ng gabi ng Mayo 5, 2020.

Kung kalbaryo at kamalasan ang dala ng pandemyang COVID-19 sa mga Pilipino ay tila suwerte naman ang dala nito para kay Pangulong Duterte dahil nahadlangan nito ang maaaring sumiklab at magliyab na pag-aalburuto ng mga damdamin ng mga naapektuhan sa pagpapasara sa ABS-CBN.

At ang mga pagpapahayag ng madamdaming panawagan ng simpatiya ng mga artista at kung sasamantalahin pa ng mga grupong kilala sa pakikisawsaw sa mga isyu ay baka humantong na naman sa kalye ang kanilang pagbulalas ng hinanakit at kung ano ang ipinaglalaban, dahil nakita nila itong magandang pagkakataon na muling patalsikin ang isang halal at nakaupong Pangulo.

Hindi malayong mangyari ito dahil sa mas marami at mas malawak na TV coverage at mas magandang pangangalakal ang magagamit nila.

Ang isang korap na gobyerno ay tulad ng isang “hydra”, putulin mo ang isang ulo at dalawa pa ang papalit. Kung patatalsikin natin ang isang tiwaling opisyal, dalawa o higit pa ang papalit sa kaniya.

Naibubulalas na ang puna, hinaing o galit sa mga social media kung saan mistulang ginawa ng Internet ang bawat Pilipino na isang aktibistang silya kaya hindi na kinakailangan lumabas ng kalye at mag-rally pa dahil taliwas sa sinasabing paninikil sa kalayaang magpahayag ay nasasabi at naisusulat sa mga post sa social media na kahit minumura, inaalipusta at maging pagbibigay-pabuya upang ipapatay ang pangulo ay malayang nagagawa – ngunit kailangang harapin ang kahihinatnan ng ginagawa dahil may kaakibat na paglabag ito na may kaparusahan.

Kung ang naging layon ng EDSA revolution ay ibalik diumano ang “demokrasya” ay kailangang pairalin natin ito sa pagsunod sa batas at tumalima sa iniaatas at desisyon nito maging pabor man o hindi. Maraming aral ang natutunan sa mga rebolusyon, karamihan ay hindi naging maganda ang dulot at ang pagkakaudlot ng tila uusbong na rebelyon dahil sa COVID-19 ay maaaring nagkataon lamang o kaya’y adya na. Ito ay di dapat ipagpasalamat ni Pangulong Duterte manapa’y patunayan niya sa mahigit 16 milyon Pilipino na nagluklok sa kaniya na tatapusin niya ang kaniyang termino na malinis, tapat at may pagbabago dahil sa totoo lang, hindi na natin nais ang isang EDSA Kuwatro.

Amianan Balita Ngayon