Kuwento ng Gusot sa Beneco, may kawakasan ba?

Patuloy na nagiging masalimuot ang mga pangyayari sa loob at labas ng Benguet Electric Cooperative (Beneco) at ang kuwento ay hindi natin alam kung kailan magtatapos.
Ang unang yugto ay nangyari nang bigla at halos sa hindi maipaliwanag na hakbang ay itinalaga ng National Electrification Administration (NEA) ang isang bagong general manager na nagpatumbalik sa kapangyarihan ng board of directors ng Beneco na magtalaga ng pangkalahatang tagapangasiwa. Inalis ang isang officer-in-charge na naglingkod sa Beneco ng mahigit 30 taon at maituturing nang bihasa at batikan na sa mga gawain sa Beneco at kinondena ng grupo nito na hindi makatarungan ang ginawang ito ng NEA.
Iginiit at pinapanatili ng NEA ang kanilang aksiyon dahil isa itong regulatory agency ng mga nagbibigay ng elektrisidad kaya may awtoridad daw ito.
Nagkaroon na ng agawan sa puwesto at humantong sa pagpilit na pumasok ang bagong itinalaga at grupo nito ng NEA sa mga opisina ng Beneco sa oras ng madaling-araw na nakulayan ng tila marahas dahil may kasamang mga armadong pulis na tila nakabihis pang-giyera at na lalong pinatingkad ng mga balita ng mga pahayagan.
Pisikal na hinadlangan ng mga kawani ng Beneco ang grupo ng NEA sa pagpasok sa kanilang mga opisina, itinaas ang kaguluhan na
humantong kay Mayor Benjamin Magalong na umeksena at batikusin ang NEA. Dahil dito ay naging marumi ang pangalan ng NEA sa lungsod ng Baguio.
Nagkaroon ng dalawang tagapangasiwa ang Beneco, nagkaroon ng dalawang opisina na magkahiwalay na nagtratrabaho o nagplaplano ng mga susunod na hakbang. Nagkahati-hati rin ang mga tao, nalito at tila hindi na alam kung sino ang susundin at paniniwalaan – dahil sa palitan ng mga akusasyon at pahayag lalo na sa social media.
Ngayon ay sumentro naman sa isyu ng pera ng kooperatiba, nagpalitan ng akusasyon ang nagbabanggaan na partido ng hindi awtorisadong pag-withdraw ng pera sa mga bangko ng kooperatiba, pagkakaroon daw ng mga maling pamamalakad sa paggamit ng pera, nawawala daw ang milyon-milyong halaga.
Humantong na sa demandahan at legal na aksiyon, tuloy nababahala na ang mga tao lalo na ang mga member-consumer dahil sa gusot na ito.
Muling pumasok sa eksena si mayor at humingi na ng tulong sa mga civic organizations na magpatuloy na saklolohan at suportahan ang Beneco upang protektahan ang interes at kapakanan ng mga consumer sa gitna daw ng tinawag niyang “maruming taktika” na ginagawa ng grupo ni Atty. Marie Rafael.
Naging “giyera ng tugisan” na daw ito na sinasakal ang kasalukuyang pamamahala upang masira ang kanilang serbisyo na malungkot ay ginagawa daw ito sa kapinsalaan ng mga consumer. Kaya kailangan daw na pakilusin ang mga consumer group at umaksiyon na at kondenahin at huwag payagan ang ganitong maruming taktika.
Nanawagan ang mayor sa pressure groups na suportahan din ang panawagan para sa mga solusyon upang maiwasan ang isang potensiyal na krisis sanhi ng nagpapatuloy na dipagkakasundo.
Nagbigay ang mayor ng panukala ng risk management measures sa NEA at umaasa siyang pangungunahan ito ng NEA at bigyan-pansin ito. Kailangan daw humanap ng paraan ang NEA upang resolbahin ito dahil ayon sa mayor ay nagbabala na siya na maaaring may mangyari.
Isa sa panukala ni Mayor Magalong na pumasok ang mga partido at mga bangko na may kinalaman sa isyu sa isang financial risk management sa pamamagitan ng escrow agreements kung saan direktang makakapagbayad sa mga supplier ng kuryente at third-party providers.
Ito ay upang masiguro na ang buwanang obligasyon ng Beneco ay nababayaran sa takdang oras at maiwasan ang panganib ng pagputol ng suplay ng kuryente o pagka-abala ng mga serbisyo.
Mabuti ang layunin ng mayor upang magkaroon ng solusyon o di kaya’y maiwasan ang mas higit pang pinsala sa serbisyo ng kuryente na bumabalot ngayon sa Beneco.
Subalit ang panawagan sa pagkilos ng mga civic organizations at iba pang grupo ay tila yata mahirap isipin, dahil, una ay nasa gitna tayo ng mga kampanya sa susunod na halalan at pangalawa ay malinaw naman na may pinapanigan na siyang partido/grupo (sa sigalot sa Beneco).
Ang panawagan na ito at magiging aksiyon ni mayor ay tila magiging malaking usapin dahil baka akusahan siya ng ginagamit at sumasakay sa isyu upang lalong bumango sa mga botante – dahil halos lahat ng botante ay mga member-consumer ng kooperatiba.
Sa una pa lamang ay nakulayan na ang isyu sa Beneco ng matinding politika dahil sa mga koneksiyon ng mga tauhan dito. At dahil panahon nga ng umaatikabong labanan sa politika ay maaaring gamitin nila ang isyu sa Beneco upang tumabo sa takilya.
Sa bawat kuwento ay may bida at kontrabida; may drama, komedya, aksiyon at trahedya; at may umpisa at wakas. Sa kaso ng alamat sa Beneco, abangan na lamang natin ang susunod na kabanata.

ICE CREAM TREAT

LAST TWO MINUTES

Amianan Balita Ngayon