Mas mahalaga pa rin ang kalusugan at buhay kaysa pamamasyal

Editorial

Bukas na nga ang turismo sa lungsod ng Baguio at mismong ang Kalihim ng Kagawaran ng Turismo sa bansa ang nangangampanya na tangkilikin na ang lokal na turismo, bagama’t limitado muna sa mga bisita mula sa Rehiyon 1 ang maaaring umakyat sa Baguio gayundin nililimitahan muna sa hanggang 200 katao ang maaaring pumasok sa isang araw ay inaasahan ng mga opisyal ng lungsod at ng Department of Tourism na makakatulong ito sa muling pag-usad ng turismo at paggalaw ng ekonomiya.

Inilunsad ng Department of Tourism, Lungsod ng Baguio at mga lalawigan sa Rehiyon 1 ang Ridge to Reef Tourism Bubble na nagkokonekta sa Baguio City, La Union, Pangasinan, Ilocos Sur at Ilocos Norte o LUPISIN upang makabisita ang mga maamayan nila sa mga lugar na ito kahit sa gitna ng pandmeya ng COVID-19 ngunit sa ilalim ng mahigpit na pagsunod sa mga health protocols at itinakdang mga panuntunan.

Sa halosmag-iisang taon nang hindi normal ang paggalawngmga tao lalo na ang mga mahihilig mamasyal, may kinalaman man sa trabaho o personal na paglalakbay lamang ay tunay nga namang nanabik sila na makagala na at makapaglakbay. Tamang-tama naman sana ang untiunting pagbubukas ng mga pinto ng turismo, subalit taliwas sa inaasahang pagdagsa ng turista kahit sa itinakdang bilang lamang ay bakit hindi ito ang nangyari? Bakit sobrang kaunti o halos wala pa ang bumibisita sa Baguio?

Sa mga karaniwang araw at buwan kung saan nasa kataasan ang bilang ng mga bumibisita sa lungsod (mga buwan ng Disyembre hanggang Mayo) ayon sa mga tala ng City Tourism Office kung saan nasa mahigit 540,000 ang lokal na turista ang dumadagsa at sa mga nakalipas na mga taon ay sunod-sunod ang pagtaas pa ng tourist arrival : noong 2014 ay nasa 932,000 ang naitala, 2015 ay 1.1milyon, 2016 ay 1.29milyon, 2017 ay 1.5milyon, samantalang noong 2018 ay pumalo sa 1,729,469.

Nakakalungkot tanggapin na sa taong ito ay wala sa katiting ang naitalang bisita at kahit pa pinilit ng lungsod na buksan na ang turismo nagyong Oktubre ay nakakadismayang dalawa lamang ang umakyat na napakalayo sa inaasahan ng mga opisyal.

Marahil ay dumagdag sa pag-aatubili ng mga turista ang biglang pagtaas ng bilang ng mga kaso sa lungsod na umabot na nga sa lagpas 1,000 na kaso. Depensa ni Mayor Benjamin Magalong na ang pagtaas ay dulot ng natunton na mga kaso ng mga kasalukuyang kaso ng pinagibayong contact tracing at hindi dahil sa random o hindi-kilalang mga kaso. Ayon pa sa mayor na hindi nila inaasahan na maapektuhan ng pagtaas ng kaso ang plano nila sa turismo dahil alam naman nila kung saan nagmumula ang mga kaso at napaghandaan na nila ito.

Gaano man ang ginagawang pagpapaganda sa turismo at pang-akit na mga kampanya ng mga opisyal at mga paniniguro sa mahigpit na health protocols upang makahikayat ng turista ay tila nangangamba pa rin ang mga tao na pumunta sa Baguio dahil sa banta pa rin COVID-19, ibig sabihin nito ay mas pinapahalagahan nila ang kalusugan at buhay kaysa pamamasyal.

Sino ba naman kasi ang may gusto na manatili sa isang lugar na may banta pa rin? Magiging masaya ka ba naman sa pamamasyal kung kakabog-kabog naman ang iyong dibdib? Gaano man kaganda, kalaki at makabago ang isang luxury ship kung bumabagtas naman ito sa naglalakihang alon at daluyong na napakalaki ng tsansang madisgrasya – paano pa kaya sa lugar na hindi nakikita ang kalabang sakit na kung ano mang oras at pagkakataon ay maaari kang mahawa, kahit pa ipagyabang nating nasa “safe haven” ang mga bibisita?

Batid natin ang pagpupursige ng mga opisyal na umusad na ang turismo para sa ekonomiya at trabaho ng mga residente ng lungsod at kaisa kami sa panalangin na sana sa pinakamadaling panahon ay mawala na ang pandemya ngunit ang kasiguruhan ng kaligtasan ng mga turista ay hindi natin masasabi hangga’t may bakuna na laban sa COVID-19 o tuluyan na itong mapawi.