Mga lokal na kooperatiba, pinarangalan sa Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET – Bilang pagkilala sa mga katangi-tanging gawain ng mga kooperatiba at maging ang mga namumuno sa mga ito ay isinulong ng Sangguniang Bayan ng La Trinidad ang kauna-unahang Gawad Parangal for Cooperatives na ginanap sa municipal gym noong Agosto 9, 2018.
Ang naturang parangal ay nilahukan ng iba’t ibang kooperatiba mula sa 16 na barangay sa munisipalidad.
Ang mga kalahok ay nahati sa tatlong kategorya ayon sa net worth ng bawat kooperatiba, mula sa micro scale category, small scale category, medium scale category, at large scale category.
Naipanalo ng Benguet State University and Community Multipurpose Cooperative (MPC) ang most outstanding cooperative sa large scale category; nanguna naman ang Universal MPC sa medium scale category; at pinangunahan ng Barangay Alapang MPC at Tebteb Balili ang small at micro category.
Ang mga nanalo ay nag-uwi ng salaping nagkakahalaga ng P12,000 at tropeyo.
Si Felina D. Mercoles ng Barangay Alapang MPC ang hinirang bilang outstanding cooperative leader.
Ayon kay Orlando B. Pacya, municipal coop development officer, layunin ng parangal na ito na kilalanin ang natatanging mga gawain at papel ng mga kooperatiba sa pagtulong at pag-unlad ng komunidad at bigyang-diin ang mga magagandang gawain na pwedeng maging ehemplo sa ibang kooperatiba, gayon din ang paglawig ng ugnayan ng lokal na pahamahalaan ng La Trinidad at stakeholders ng mga naturang kooperatiba.
Samantala, hinamon naman ni Atty. Franco G. Bawang Jr., regional director ng Cooperative Development Authority – Cordillera Extension Office (CDA-CAREO), ang mga miyembro ng mga kooperatiba na tumulong sa turismo ng munisipalidad at tulungang itaguyod ang lokal na produkto at sa mga maaari pa nilang gawin at maitulong hindi lamang sa kanilang mga kooperatiba kundi para sa buong munisipalidad ng La Trinidad. DOROTHY M. REGINO, UC Intern

Amianan Balita Ngayon