Minoridad na dominante

Mula nang maipatupad ang Republic Act 8371 o ang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) mahigit dalawang dekada na ang nakakaraan ay nagbukas ito ng mas maraming oportunidad sa mga katutubo (Indigenous Peoples) at nabigyan ng kapangyarihan ang komunidad na dating itinuturing na mahina at mababa (marginalized). Ang pagkakaroon ng IPRA Law ay tinakpan na ang mga espekulasyon at walang basehang hinala na ang mga katutubong tribo at komunidad sa Pilipinas ay inabandona at binabale-wala at pinapaniwalaang nabubuhay sa labas ng paligid ng kaunlaran at malala pa ay hindi kabilang sa larawan ng pambansang pamumuhay.
Nakakalat sa buong bansa ang mga IP at malayang kinikilala ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng IPRA, isa na nga dito ang isinasaad ng Republic Act (RA) 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) na makapamili sila ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ayon sa kanilang nakaugaliang proseso ng pagpili at pagdedesisyon. Ang mga IPMR ang kakatawan sa mga katutubo sa mga local legislative bodies upang masiguro na ang kanilang kapakanan ay protektado at kinikilala lalo sa mga barangay, munisipalidad, lungsod at probinsiya kung saan sila ay itinuturing na minoridad.
Marahil upang patunayan ni Mayor Mauricio Domogan na wala silang (konseho) pagtutol sa pagpili ng IPMR bagkus ay kailangang ilagay ang lahat ng bagay sa tamang perspektibo upang mapigilan ang mga problemang uusbong na resulta ng di-pagkakaintindihan sa mga grupo ng katutubo (IPs) sa lungsod kaya hinimok niya ang mga interesadong grupo na magpila ng “kaukulang petition for declaratory relief” upang matuldukan na ang umiinit na away sa IPs hinggil sa pagpili ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng lungsod ng Baguio. Ipinagkaloob ng RTC Branch 6 noong Pebrero ang writ of preliminary injunction na pumipigil kay Roger Sinot na maupong IPMR matapos makita ng korte ang merito sa ipinilang petisyon laban sa kaniya at ang diumano’y may bahid na proseso ng pagpili sa kaniya bilang IPMR.
Sa panibagong petisyon na ipinila sa RTC ay hiniling na mismo ng Baguio City Council at ni Mayor Mauricio Domogan na ideklara ang Section 16 ng Republic Act (RA) 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) of 1997 kaugnay sa Section 41c ng RA 7160 o ang Local Government Code of the Philippines na hindi aplikable sa mga lokal na pamahalaan kung saan ang mga IP ay hindi marginalized sa highly urbanized na lungsod gaya ng Baguio.
Ayon pa sa petisyon ay walang karapatan ang mga IP sa lungsod sa isang IPMR dahil hindi sila maituturing na marginalized o minoridad dahil na rin sa mayroon ng 7 IPs na miyembro ng konseho. Higit pa dito ay mismong si Mayor Mauricio G. Domogan ay isa ring IP na maliwanag na nagpapakitang ang mga IP sa lungsod ay hindi marginalized o ikinukonsiderang minoridad kaya’t ang pagpili kay Sinot bilang IPMR ay hindi naaayon sa intensiyon ng IPRA.
Tunay na kailangang linawin ng DILG at NCIP ang probisyon sa Section 41C ng RA 7160 dahil sa sitwasyon ng lungsod ng Baguio o ng iba pang urbanized at highly urbanized local government units kung saan ang mga dating itinuturing na minoridad at marginalized ay sila na ang nakakarami at nakaupo na sa halos lahat ng sektor ng gobyerno at komunidad. At sa ganitong pagkakataon ay tila hindi naaakma sa unang intensiyon ng batas, manapa’t maaari nang sobra-sobra na representasyon nila (IPs) sa local executive body, pamahalaan at lipunan dahil sa matagal na panahon ay hindi nawawala ang mga nananalong may dugong-IP sa konseha na tiyak namang  hindi pababayaan ang kapakanan ng mga IP.
Kapag hindi mabigyan-linaw at maayos ang gusot sa IPMR ng lungsod ay baka mawawalan ng saysay ang batas, magsasayang ng pondo at magkaroon ng tinawag ni Mayor Domogan na “reverse discrimination”.        PMCJr.

Amianan Balita Ngayon