Miss Universe, tapos na… pero?

Ilang araw ang dumaan mula nang idaos sa ating bansa ang Miss Universe 2016 pero hanggang sa ngayon, sala-salabat pa rin ang mga kontrobersiyang naganap. Kung sala-salabat din ang mga nangyayari sa gobyerno lalo na sa kampanya kontra droga, parang saglit ding naisantabi ang mga ito dahil sa mga kakuwanan din sa Miss U. Dahil dito, sa halip na ang nagpapahingang Oplan Tokhang ang ating kukutuhan, atin ngang bulatlatin ang mga kakuwanang eksena sa nakaraang Miss U Coronation:

*****
Una ay ang ating pasasalamat dahil dito ginawa sa ating bansa ang Miss Universe pageant. Natural, muling nahatak paitaas ang ngalan ng Pilipinas sa sangmunduhan sa larangan ng turismo na hahatak din sa ating ekonomiya at eventually ang paglago ng negosyo at patrabaho. Ikalawa: naging matagumpay ang pageant. Kudos sa mga organizer at kabuoan ng PNP sa seguridad. Ikatlo: talo tayo. Hanggang sa Top 6 lang ang kontrobersiyang kandidata na si Maxine. Talunan na nga tayo, patong-patong pa ang mga negatibong komento. Bilang sa daliri ang mga nagpositibo ang komento. Natural, ikinarangal ng pamilya Medina ang sinapit ni Maxine. Ngayon, ating ilalatag ang nagsulputang mga eksena pagkatapos ng koronasyon:

*****
Nanalong Miss Universe 2016 si Iris Mittenaere mula sa France at ikalawang Miss Universe ng naturang bansa pagkatapos ng animnaput tatlong taon. Ang unang nag-uwi ng korona para sa France ay si Christian Martel noong 1953 na siya ring ikalawang Miss Universe ng mundo. Ang original o kauna-unahang naging Miss Universe ay si Armi Helena Kuusela ng Finland sa California. Si Armi ay nag-asawa ng isang Pilipino – Virgilio Hilario at nagkaroon sila ng limang anak. May bumulong: sana Pilipino rin ang makakasungkit kay bagong Miss Universe Mittenaere. Sana, he he malay natin. (Di kaya puwede diyan si Baste Duterte? Joke). Balikan natin ang royal family ng Miss U 2016: Ang first runner-up ay si Raquel Pelissier ng Haiti at 2nd runner-up si Andrea Tovar ng Colombia. Sabi ng mga daldalera: dapat si Ms. Haiti raw ang nanalo kasi hindi gumamit ng interpreter! Dagdag pa nila na dapat lang daw na si Iris ang nanalo dahil mas maganda raw ang sagot nito kaysa sa sinabi ng interpreter. May umupak pa ngang nagmamagaling: hindi dapat kasi gumamit pa si Maxine ng entrepreneur (???) kasi English din ang sagot. Susmaryusep! Bakit pumasok si entrepreneur? Anong tingin mo sa Miss U, cottage industry? Tumigil ka!

******
Ang isang pinaka-aabangang eksena sa Miss U Coronation ay ang pagkikita ng dalawang kontrobersyal na tao: sina Comedian/Actor/Host Steve Harvey (pumalpak siya sa kanyang announcement na si Ms. Colombia Ariadna Guttierez Areval ang Miss U 2015. Pero binawi ito after 4-minutes at ibinigay ang korona kay Ms. U 2015 – Pia Alonzo Wurtzbach.) at si Pia mismo. Bakit kaabang-abang? Muli kasi silang nagkita. Oo nga. Nagbesobeso nga sila, eh. Tapos ito ang mga bulong: “Thank you, Steve, for making me the most popular Miss Universe” pangiting say ni Ms. Pia at sumagot naman si Steve: “Thank you, Pia, for making me the most popular host!”. Sus ginoo, parang pelikula hane? Lalo pa noong bago basahin ni Steve Harvey ang nanalong Ms. U 2016 ay inabutan siya ni Pia ng reading glass para daw hindi na magkamali. Haayy naku, marami pa sanang kakuwanan pero kapos na tayo sa espasyo. Salamat sa Diyos at natapos nang matiwasay at matagumpay ang Miss U sa ating bansa. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon