Napoles, wala raw kasalanan? Susmaryusep!

Tiyak na marami ang napanganga, umatungal, napabunghalit, nagmura at baka marami din ang na-LBM dahil sa balitang wala raw kasalanan ang tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles! Talagang maraming susmaryusep ang reaksiyong bumulaga saan mang sulok ng tsismisan sa ating lipunan. Ba’y mantakin mong sa sandamukal na mga kaso hinggil sa pork barrel na sangkot ang kanyang pangalan at naging dahilan  kung bakit may mga malalaking tao ngayon ang nakakulong kasama na ang tatlong senador, tapos sasabihing dapat ibasura ang kaso niya? Pero sandali lang pards, hinayhinay lang. Huwag masyadong highblood baka maatake tayo. Linawin nating maigi ang isyu bago tayo maghuramentado, hane? Ganito yun:

********

Sa gitna ng mga balitaktakan noon hinggil sa isyu ng Pork Barrel Scam kung saan maraming mga opisyal ang nakaladkad ang pangalan dahil sa magaling na hukos-pukos at manipulasyon ni Janet Napoles, sumabay ang bangayan nilang magpinsan, ang naging whistleblower na si Benhur Luy. Siya noon ang naglakas-loob na nagbulgar ng mga illegal na mga gawain o mudos-operandi ni Janet upang magkamal ng limpak na yaman. Naging saksi diumano itong si Benhur. Pero nagalit si Napoles. Dahil sa naiipit na rin si Benhur, idinemanda niya si Janet ng serious illegal detention. Ayon sa tala ng kaso, ipiniit daw diumano si Luy sa isang retreat house at sa bahay ni Janet mula Dec. 2012 hanggang March 2013. Lumakad ang kaso. Ang resulta: sinintensiyahan ng isang Makati Trial Court si Napoles ng 40 taong pagkabilanggo. In short, katumbas na habambuhay na pagkabilanggo ang hatol kay Napoles sa kasong ipinila ng pinsan niyang si Luy. Hindi pa kasama riyan ang mga kaso ni Napoles hinggil sa PDAF o Pork Barrel Scam. O ano medyo nalilinawan na kayo pards? Ituloy natin:

********

Noong Enero 11 sa taong kasalukuyan, naghain ang OSG – Office of the Solicitor General, ng isang “manifestation in lieu of rejoinder” sa CA – Court of Appeals, kung saan inirekomenda ng OSG sa pamamagitan ni Sol-Gen Jose Calida na ipawalansala si Napoles sa nasabing kaso. Siyempre, marami ang nagtatanong kung ano ang nakita ng OSG na basehan? Ayon sa kanila (OSG) wala diumanong magpapatunay na idinetine nang iligal ni Napoles ang kanyang pinsang si Benhur Luy dahil malaya pa rin itong nakakalabas at nakakasama ang pamilya. Malaya naman daw itong nakakakilos sa pamamahay ni Napoles sa Makati. Dagdag pa ni Sol-Gen Calida na kung iligal na naikulong si Luy tiyak na nagpasakalolo na sana ito sa mga otoridad. Pero may nagtanong: hindi ba ito nakita noong una pa man sa litigasyon ng kasong ito sa lower court? A, ewan sa kanila. Wala kami roon, eh! Tanong ulit: wala kayang kinalaman dito si Pangulong Duterte? Direktang sinagot ito ni Sol-Gen Calida: wala! Tanong ulit: hindi ba’t ang OSG ay parang siya ang nag-aabugado para sa gobyerno? E, bakit  ang kalaban ng pamahalaan daw ang parang gustong paburan sa hakbang ng OSG? Hmm siguro nakitang may mali. Pero papaano ang iba pang mga kaso ni Napoles?

********

Sa kasalukuyan ay nakakulong si Napoles sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City. Kung magtatagumpay ang OSG sa hirit nito sa Court of Appeals, siyempre bawas 40 years na sentensiya na ito. Ngunit hindi pa rin absuwelto si Janet sa mga kaso nito sa Pork Barrel scam na mas mabibigat pa. He he, sumatotal, kulong pa rin siya, di ba? Pero sandali, may bumubulong kung totoo raw na puwedeng gawing state witness si Napoles sa Pork Barrel cases? Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, pwede raw basta’t ibubulgar niya lahat ang mga sangkot sa Pork scam na dating mga opisyal ng gobyerno. Dagdag pa ni Panelo na kung lalabas na least guilty si Napoles at hindi mastermind ng PDAF scam, puwede siyang gamitin ng gobyerno bilang state witness laban sa mga kinasuhan na at kakasuhan pa rin dahil sa PDAF Scam. Yan ang hinihintay ng bayan. Ang paglabas ng baho ng mga nangurakot sa kaban ng bayan mula sa PDAF. Tanong: papaano raw kung makukulong din si Sen. Leila dahil sa mga ikinakaso sa kanya? Next issue na yan, pards. Lagpas na tayo sa bakud. Adios me amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon