Sa inulit na Balik-Probinsiya Program, may bagong pag-asa ba?

Ang programang Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa (BP2) na isinusulong ngayon ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ay maaaring maging pinakamalakas na panulak sa ekonomiya kaalinsabay ng muling pagpapatupad ng mga proyektong imprastruktura sa oras na matapos na ang pandemya ng COVID-19.

Ang proyekto ay maaaring isa sa pinakamahalaga at mamamalaging pamana ng administrasyong Duterte sa kabila ng kabalintunaan na pamamalagi ng pandemya ng COVID-19 ay tatagal pa at ang pampakalmang social amelioration program ay masisimot sa kalaunan.

Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proyekto na nagbigay pangarap at misyon na mabuhay ang lahat sa isang disenteng paraan ng pangkabuhayan. Sa ilalim ng BP2 program, ang libo-libong Pilipino na walang trabaho/pinagkakakitaan at nabubuhay sa mababang antas ng karukhaan na nasilaw sa kinang ng Metro Manila at iba pang sentro ng kalunsuran na may huwad na mga pag-asa ng trabaho o ginhawa ay mabibigyan ng panibagong umpisa.

Sila ang kakaunti ang kakayahan o baka wala pa na nakipagsapalaran sa mga maluluhong siyudad na kalauna’y bumagsak sa mga miserableng lugar, mga bangketa at madumi at madilim na ilalim ng mga tulay.

Karamihan o kaya’y lahat ay nahihiyang bumalik sa kani-kanilang probinsiya sa pangambang makutya.

Subalit dahil sa pandemya ng COVID-19 ay maisasantabi ang panlipunang panglalait na ito. Ngunit ang hamon ay paano mapapanatili ang programa at ubrang pagkakakitaan ng mga benepisaro upang maingganyo silang manatili sa mga bagong lugar na titirhan.

Ang maling pagkaunawa ukol sa araw-araw na katotohanan sa mga mahihirap sa kalunsuran ay malimit humahantong sa mga programa ng gobyerno na hindi tugma sa pamumuhay nila.

Gaya sa “balik probinsiya” na ipinapalagay na urban informal settlements ay binubuo karamihan ng unang henerasyon ng mga migrante, subalit ang katotohanan, ang mga pamilyang ito ay nakatira na sa loob ng ilang dekada sakop ang halos tatlong salinlahi.

Ang mga orihinal na anak, apo at kaapu-apuhan ay ipinanganak na sa kalunsuran at nag-aral na doon. Ang kalunsuran ay kung saan naroon ang kanilang panlipunang ugnayan upang magpatuloy sa buhay ay matibay na naitatag.

Ang lungsod ay kanilang tahanan kaya wala silang probinsiyang babalikan.

Isa pang hamon sa panukalang “pagpapaluwag” sa pamamagitan ng Balik-Probinsiya ay ang kakulangan ng katibayan na ang malaking bilang ng mga pamilya ay may daratnang pareho o mas magandang kalidad ng pamumuhay kaysa iiwan nila sa lungsod.

Maging kakulangan man sa pondo o koordinasyon o iba pang dahilan, kahit mga proyekto sa pabahay na iilan lamang ay iniwan ang mga pamilyang benepisaryo na walang serbisyo sa tubig o kuryente, gayundin pangkabuhayan sa loob ng maraming buwan o taon matapos makumpleto ang proyekto.

Maraming opisyal ng mga lokal na gobyerno na inaasahang tatanggap sa Balik-Probinsiya ang nagtatanong na ukol sa kakayahan ng programa na halos lahat ay tinukoy ang kakulangan sa mga aktibidad ng pang-lokal na ekonomiya na hihikayat sa mga migrante mula sa mga kalunsuran patungo sa probinsiya at manatili na doon.

Upang makamit ang layunin sa isang produktibo, may karagdagang halaga na pamamaraan, ang malawak na programa ay dapat mabigyan ang mga tao ng isang nakahihigit na alternatibo sa pamumuhay kumpara sa hamak na kalagayan sa mga kalunsuran.

Ibig sabihin nito ay mabigyan sila ng iba’t-ibang oportunidad pang-ekonomiya, trabaho at isang kapaligiran na sumusuporta sa pagnenegosyo; makakuha ng ligtas, komportable at murang pabahay; maayos na access sa mahahalagang serbisyo ng gobyerno; serbisyo sa pinansiyal at pagbabangko; suportang panlipunan, pangangalaga sa kalusugan, at edukasyon; gayundin ang sapat na imprastruktura sa tubig, kuryente, komunikasyon at transportasyon.

Kung mangyayari ang mga ito, magiging maliwanag na ang pagkamit sa layunin ng Balik- Probinsiya ay hindi na halos nakatutok sa mga tao kundi ang lahat ay nakatuon na sa lugar na
kinauukulan – ang mga probinsiya kung saan babalik ang ‘masa’ upang maghanap ng panibagong umpisa.

Kaysa akuin ang responsibilidad na gawin ang Balik-Probinsiya bilang isang pasanin, gayunman, kailangan tingnan ito ng mga probinsiya bilang isang oportunidad.

Kung magagawa ng tama ang mga magbabalik ay hindi magiging karagdagang kukupkupin at pakakainin kundi isang mahalagang kayamanan sa uri ng isang napalawak, maraming-kakayanang manggagawa at aktibong katuwang sa merkado.

Isang kalunos-lunos na bukang-liwayway sa pandemya ng COVID-19 marahil ay ang muling pagbuhay ng isang programa na ginawang ngawngaw lamang nga mga nakaraang administrasyon at walang sariling kusa o walang pulitikal na determinasyong magpatupad.

Miserableng nabigo ang programang ito ng ilang ulit sa nakaraan dahil ang mga mekanismo at mga istratehiya na maaaring maghatid ng kapaki-pakinabang at napapanatiling pangkabuhayan ay humangga lamang sa salita at pangarap.

Nangarap at patuloy na nangangarap ang mga mahihirap sa kalunsuran kaya huwag na sanang tuluyang maging pangarap na lamang ito dahil sa ibang pangarap ng ibang namumuno.

Amianan Balita Ngayon