18anyos na dalaga, nalunod sa resort sa Apayao

Patay ang isang 18anyos na dalaga, matapos malunod bandang 12pm ng Mayo 15, 2018 sa Ancheta’s Resort sa Lower Maton, Pudtol, Apayao.
Sa imbestigasyon, ang biktima na si Christine Joy Torrejas, 18anyos, high school graduate at residente ng Mabuttal East, Ballesteros, Cagayan, ay kasama ang pamilya nito nang nagpunta sa naturang resort upang magdiwang.
Ang biktima at kaniyang pinsan na si Jasmine Lyca Fronda ay nag-swimming sa ilog. Habang ang biktima ay naliligo sa makitid na bahagi ng ilog, naapakan nito ang madulas na bato na siyang dahilan ng kaniyang pagkadulas at tinangay ng malakas na daloy ng ilog patungo sa malalim na bahagi. Nang makita ni Fronda ang biktimang nalulunod, agad na sinabihan ang kanilang kasamahan na agad namang sumaklolo ngunit nang marating ang ilog, nakita na nilang nakalutang ang katawan ng biktima sa tubig.
Dinala ng mga tauhan ng Luna police, na naroon sa lugar ng pinangyarihan, ang katawan ng biktima sa Amma Jadsac District Hospital subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
 

Amianan Balita Ngayon