Ang barangay ang basic unit ng gobyerno na nilikha sa ilalim ng demokratikong anyo ng gobyerno ng Pilipinas upang mas madali, mas epektibo at mas maayos na mapamahalaan ng pamunuang sentral ang buong bansa. Ang barangay ang nagsisilbing barometro ng gobyerno upang malaman ang mga pangunahin at mahalagang detalye sa pamamahalang pangkalahatan dahil ang barangay bilang isang sangay ng lipunan ang unang nakakaramdam ng mga bagay na nakakaapekto sa pamumuhay ng bawat Pilipino at estado ng buong bansa.
Isang mahalagang sangkap sa pag-unlad ng isang bansa ang mamamayan nito na sinasakop ng pamamahala ng isang barangay. Dahil dito ay nabigyan ng malaking kapangyarihan ang pamunuan ng barangay sa pamamahala sa kani-kanilang barangay sa pangunguna ng isang Punong Barangay. May kapangyarihan ang pamunuan ng barangay bilang ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Maliban sa mga sariling kita ay may nakalaan na taunang badyet ang mga barangay mula sa gobyerno sa pamamagitan ng Internal Revenue Allotment (IRA), na may masuwerteng barangay na umaabot sa daang milyong piso ang badyet.
Sa pag-usad ng panahon ay lalong nagiging aktibo at mainit ang bawat halalan sa barangay, patunay na ang katatapos lamang na eleksiyon sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na nagpakita ng ibayong interes ng mga tumakbong kandidato maging ng mga tagasuporta nila, gayundin ng mga botante. Bagama’t may mga napaulat na mga karahasan, pagpatay na iniuugnay sa halalan at insidente ng iregularidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa mga idineklarang hotspots ay naging mapayapa sa kabuuan ang katatapos na halalan ayon sa Comelec at PNP. Bawat halalan ay hindi na nawawala ang mga karahasan at patayan na naging imahe na ng aktibidad na ito.
Bakit ba nagiging marahas, mainit at marumi na ang halalan sa barangay? Dahilan kaya ang unti-unti ng pagbabago sa sistema at maliban sa posisyon ay lumalaki na rin ang “honorarium” na tinatanggap ng mga opisyal ng barangay dagdag pa ang malaking halaga ng pondo na nasa kanilang sariling disposisyon na? Baka naman naiimpluwensiyahan na ang barangay ng sistema ng politika, ng mga politiko?
Sinasabing dapat “non-partisan” ang mga opisyal ng barangay subalit sa nagiging takbo ng mga pangyayari ay tila nasasakop na ng pulitika ang mga opisyal ng barangay. Napakahalaga ng barangay dahil nandito ang mga botante na kailangan ng mga politiko kapag kumakandidato sila o kung kaya’y nais manatili sa posisyon. Huwag na sanang pagamit ang mga bagong halal na mga opisyal ng barangay sa mga politikong nais lamang isulong ang sariling interes. Kung uunlad ang mga barangay ay tiyak uunlad din ang buong bansa, at mas masarap damhin ang tagumpay kung walang kinikimkim na utang na loob sa isang politiko. PMCJr.
May 19, 2018
May 19, 2018
November 30, 2024
November 23, 2024
November 17, 2024
November 9, 2024
November 1, 2024