KAYA PA BA NATING LABANAN ANG CYBER-ATTACKS?

Sa kasalukuyan, karamihan ng pang-ekonomiya, komersiyal, kultural, panglipunan at
pang-gobiyernong mga aktibidad at pakikisalamuha ng mga bansa, sa lahat ng antas, kabilang ang mga indibiduwal, non-governmental organizations at government at governmental intsitutions ay ginagawa sa cyberspace.

Kamakailan, maraming pribadong kompanya at mga organisasyon ng gobyerno sa buong mundo ay nahaharap sa problema ng cyberattacks at ng panganib ng wireless communication technologies. Ang mundo ngayon ay masyado nang nakadepende sa electronic technology at ang pagprotekta sa datos na ito mula sa mga cyber-attack ay napakalaking isyu. Ang layunin ng mga cyber-attack ay pinsalain ang pinansiyal na aspeto ng mga kompanya. Sa ibang mga kaso, ang ibang cyberattack ay may kinalaman sa politikal o militar na mga layunin.

Ang mga insidente ng hacking particular ang security hacking ay hindi na bago, dahil sa taong 1903 pa ay naitala na ang kauna-unahang kaso nito kung saan ang salamangkero at imbentor na si Nevil Maskelyne ay ginambala ang pampublikong demonstrasyon ni John Ambrose Fleming ng Guglielmo Marconi na layong kunin ang wireless telegraphy technology at nagpapadala ng mga nakakainsultong mga mensahe sa pamamagitan ng projector ng auditorium. At mula noong naimbento na at lumaganap na ang computer at internet ay halos taon-taon ay may malalaking kaso ng cyber-attack o hacking.

Malilimutan ba ang ILOVEYOU worm o virus na nakilala rin bilang VBS/Loveletter at love Bug worm na isang computer worm na isinulat sa VBScript? Naimpeksiyon ang milyon-milyong computer sa buong mundo sa loob lamang ng ilang oras nang ilabas ito. Ikinokonsidera itong isa sa pinakamapinsalang “worm” sa kasaysayan na nagmula sa Pilipinas na ginawa ng isang Pilipinong estudyante ng AMA Computer College na si Onel de Guzman.

Noong Nobyembre 2013 ay sinira ng mga hacker na nagpakilalang bahagi ng “Anonymous Philippines” ang website ng Office of the Ombudsman na paraan nila sa pagpapahayag ng pagkadismaya sa gobyerno. Kasama sa nahack ang 37 pang ibang website ng gobyerno. Ang kamakailang pag-hack sa website ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) nitong Setyembre 22 sa pamamagitan n Medusa ransomware ay pininsala ang 72 workstations at ang e-claims, member portal, at collection systems.

Sumunod na hinack ang Community-Based Monitoring System ng Philippine Statistics Authority at ang website ng House of Representatives. Sinundan din ito nga ilang pagtatangkang pag-hack sa website ng Senado. Sinasabing ang makabagong pamamaraan ng digmaan ay hindi na sa larangan ng baril at bala kundi ang kagalingan na sa pag-atake sa cyberspace at websites, na kung susuriin
ay mas masahol pa at nakakapaminsala ng grabe kaysa karaniwang digmaan. Ligtas pa ba tayo sa mga cyber-attack at hacking?

Kahit pa ang mga mauunlad at makapangyarihang bansa ay hindi nakakaligtas at nagiging biktima rin ng mga gawaing ito ay mas lalo na tayong kabilang sa mahihinang bansa. Samantala ay sasandal na lamang tayo sa pagkumbinsi sa sarili natin na “kailangan nating maging mas matalino sa mga hackers”, subalit tila hindi rin uubra ang talino lamang kung walang armas.

At ang tanging ahensiya ng gobyerno sa pagprotekta at pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas ukol sa cybersecurity ay tinapyasan pa ng pondo. Nakaatang sa balikat ng Department of Information and Communication Technology (DICT) ang cybersecurity ng buong bansa at kung dahil sa mahinang pakikisama ng ilang mga bahagi ng gobyerno at nabigo ito sa pagpapalakas ng cybersecurity ng bansa dahil sa kakulangan ng pondo, ay maaaring maging mas talamak ang mga cybercrime.

Amianan Balita Ngayon