Kolektibong responsibilidad at responsibilisasyon

Editorial

Marami ang nangangamba o dili kaya’y nagagalit na makita ang malaking bilang ng mga tao na binabale-wala ang mga tagubilin ng gobyerno, na sa kabila ng mga pinapairal na health protocols at mga restriksiyon ay may mga kababayan tayong nagsasaya, nagkukulumpon sa mga pamilihan, sa mga parke at pasyalan, sa mga tabing-dagat at maging sa mga kalye.

Ang paglaganap ng COVID-19 ay nag-udyok ng isang malawakang antas na misyon ng “responsibilisasyon”. Ibig sabihin nito na ang mga namumuno sa pulitika, mga eksperto sa kalusugan at maging mga artista o sikat na mga tao, mga kapitbahay at mga mahal sa buhay ay nananawagan sa ating lahat na responsableng kumilos upang mapabagal ang pagkalat ng virus at mapababa ang mga mapaminsalang epekto ng pandemya.

Habang maraming tao ang sumunod sa payo at manatili sa bahay, ang mga hindi sumunod at pasaway ay sapat na upang maging sanhi ng alarma kaya nagdeklara na naman ng mga mas mahigpit na restriksiyon sa maraming lugar sa Pilipinas – ang kinaiinisang “lockdown”.

Ang pabaya at mapag-imbot na asal na nakikita sa buong bansa ay umani ng pagkainis. Bakit kaya ang ilan ay umiilag sa kanilang mga responsibilidad lalo na sa mga panahong ito na napakahirap? Kailangan ba tayong umasa sa mga taong gumagawa ng responsableng mga kapasiyahan una sa lahat?

Bagaman karaniwang iniisip na sa konteksto ng kamalayang publiko at pamamahagi ng karunungan ng mga dalubhasa, ang responsibilisasyon ay nakasalalay ng malaki sa emosyon, gayundin isang bagay ng katuwiran. Ang mga emosyon gaya ng pag-asa, kahihiyan at pagmamalaki ay gumaganap ng isang mapagpasiyang papel. Responsable ba tayo? Nararamdaman ba natin na ang ating mga aksiyon ay magkakaroon ng tunay na kaibhan?

Nahihiya ba tayo kung mabigo tayong kumilos ng responsable? Ang personal na responsibilidad ay kalimitang base sa kakayahang emosyonal na makiugnay sa ibang tao, sa kanilang mga pag-asa at takot, sa kanilang hirap at pagdurusa.

Ang balitang nagkaroon ng paglabag sa bubble health protocols na napagkasunduan nina Mayor Benjamin Magalong at grupo ni Arjo Atayde, isang artista na makapag-shooting sa Lungsod ng Baguio ay umani ng maraming puna, batikos at pang-babash sa social media.

Dalawang buwan na pala ang grupo ni Atayde sa lungsod, at marahil, dahil sa nag-negatibo sila ng una ay napabalitang may mga kasama raw sa production outfit si Arjo na panhik-panaog sa lungsod. Hanggang sumambulat nga ang balitang nagpositibo ang sampu sa 100 kasama si Atayde.

Sa kasagsagan ng pagbabanta ng mas mapamuksang Delta Variant kaya inilagay ang lungsod sa GCQ ay nangyari ang kapabayaang ito, bakit nakalusot sila sa mahigpit (daw) na border checkpoint? Sino ang mananagot dito?

Kahit pa sabihin ng mga opisyal ng lungsod na isinailalim ang mga nagpositibo sa isolation ay nagkaroon na ng paglabag at kapabayaan – isang bagay na hindi kailangan ng lungsod lalo pa at palagiang nasa high risk ang Cordillera at Baguio at tumataas ang bilang ng mga nahahawaan idagdag pa ang pagkakaroon na ng kaso ng Delta variant.

Isa pang umusok na batikos ng mga netizen ay ang tila pagkakaroon ng kaluwagan si Mayor Benjamin Magalong sa mga taga-baba, mga artista at politiko na umaakyat sa Baguio. Hinaing ng mga lokal na residente ng mga karatig-bayan ng BLISTT ay bakit sila hinihigpitan makapasok sa Baguio? Kung mabuti ang intensiyon ni Arjo Atayde na magshooting sa lungsod upang maisulong pa ang turismo ay hindi ba daw mabuti rin ang kanilang mga intensiyon sa pagpunta sa Baguio?

Tunay na lubhang binago ng COVID-19 ang ating mga buhay, nagdulot ng matinding paghihirap ng tao at hinahamon ang pangunahing pundasyon ng kapakanang panlipunan.

Higit sa agarang mga epekto sa kalusugan, trabaho at kita, ang epidemya ay dinaragdagan ang lungkot at pangamba ng mga tao, naapektuhan ang kanilang panlipunang relasyon, ang kanilang tiwala sa ibang tao at mga institusyon, kanilang personal na seguridad at dama ng pagpapahalaga.

Ang pagkakaroon ng responsibilidad ay hindi nagkatotoo sa ilang tao, tanggapin na natin ito. Sa ating pagmamadali na makakita ng mas mahusay ng mga paraan upang yakapin ng publiko ang responsibilidad nito – lalo na ang mga pabaya at walang-konsiderasyon – ang pagtutok sa personal na responsibilidad at pansariling pagpapasiya ay hindi dapat hadlangan ang lipunan sa pagkakaroon ng kolektibong aksiyon. Marahil ginawa na ng gobyerno ang aksiyon na ito.

Marahil isang dahilan kaya ang mga tagubilin sa COVID-19 ay nabalangkas bilang isang bagay na pansariling pagpapasiya at responsibilidad ay upang iwasan ang gastusin at tungkulin ng pulitikal at kolektibong pakikialam. Ang responsibilisasyon ay nangangailangan ng isang paglipat ng pasan mula sa estado at mga korporasyon sa mga indibiduwal na mamamayan at consumer – isang paglipat na hindi palaging pinaglilingkuran ang interes ng publiko.

Kailangan tanggapin ng lahat , gobyerno, mga korporasyon at iba pang institusyon, maging sikat at artista man ang bahagi ng responsibilidad kahit pa hinihingi nito ang hindi kanais-nais at magastos na mga pamamaraan.

Ang tiyak na kolektibong mga batas at pakikialam ay magiging mas mabilis at mas maaasahang solusyon kaysa “mahinang kalabit” sa mga tao upang gawin ang tamang pagpapasiya.