Lady engineer pinatay, suspek nagpakamatay sa Apayao

CALANASAN, APAYAO – Pag-ibig, kasabay ang pagseselos, ang nakikitang motibo sa pagpaslang ng isang dump truck driver sa dati niyang ka-relasyon na naganap sa Omengan Construction Development Corporation (OCDC) campsite, Poblacion, Calanasan, Apayao.
Sa report ng Calanasan Municipal Police Station, ang napatay ay nakilalang si Joylin Liyaban, 27, site engineer, ng Tabuk City, Kalinga, samantalang sugatan naman si Cleto Macklinic, 27, dump truck driver, ng Paracelis, Mt. Province.
Ang suspek na si Reden Garcia, 33, may-asawa, dump truck driver ng Tabuk City, Kalinga, ay nagbaril sa ulo matapos ang insidente na naganap dakong 6:40 ng gabi, noong Linggo (Setyembre 2).
Sa imbestigasyon, si Libayan ay nasa loob ng kuwarto, nang biglang pasukin ni Garcia at walang sabi-sabing binaril ito. Paglabas ng bahay ay nakita ng suspek si Macklinic at binaril din ito at saka nagbaril sa sarili ang suspek, gamit ang isang Cal. 45 (1911), limang basyo ng bala at dalawang magazines na may limang bala.
Mabilis na isinugod ang mga biktina sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival sina Liyaban at Garcia, samantalang naka-confine naman si Macklinic sa tinamo nitong sa sugat sa kaliwang kamay.
Napag-alaman ng pulisya na nagkaroon ng relasyon sina Libayan at Garcia noong Hunyo 2018 ngunit noong Agosto 2018 ay nakipag-break si Liyaban. Posibleng hindi umano matanggap ni Garcia ang nangyari hanggang ang pangyayari ay humantong sa madugong krimen. ZALDY COMANDA

Amianan Balita Ngayon