Moving-up at Graduation Day, tuloy ang pagharap sa hamon ng buhay

Maliban sa karapatan ng bawat Pilipino lalo na ang mga kabataan na makapag-aral at magkaroon ng tamang edukasyon na atas ng ating Saligang Batas ay obligasyon din ng bawat magulang na itaguyod nila ang pag-aaral ng kanilang anak. Bagama’t may mga programa ang gobyerno ukol sa libreng edukasyon at matrikula sa mga pampublikong paaralan at State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa ay tila hindi pa ito sapat dahil hindi pa naman nasasakop ang karamihan sa mga mag-aaral at mga out-of-school-youths – dahil sa mga panuntunan at limitadong bilang ng mag-aaral na kayang tugunan ng paaralan at pondo ng gobyerno. At dahil sa kamahalan ng matrikula sa mga pribadong paaralan ay mas marami ang hindi na makatungtong sa kolehiyo, lalo na at nadagdagan pa ng dalawang taon ang kurikulum.
Kaya hirap ang mga magulang na igapang ang pag-aaral ng kanilang mga anak lalo na ang mga nasa  laylayan na ginagawa ang lahat ng paraan (anuman ito) maitaguyod lang ang pag-aaral ng kanilang anak.
Marami ring kuwento ng mga kabataang itinaguyod ang sariling pag-aaral, nagtatrabaho habang nag-aaral upang makatapos.
Kaya walang-kasing tamis na namnamin nila ang kanilang araw ng patatapos at walang pagsidlan ang kaligayahang nadarama sa araw na iyon. Subalit walang hindi mas nakakaramdam ng lubos na saya at pagpapasalamat kundi ang mga magulang dahil kahit paano ay nakakatiyak na sila na hindi na magiging kaawa-awa ang kanilang anak dahil may sandatang edukasyon na silang taglay sa pagsalubong ng panibagong hamon ng buhay.
Kaya sa mga moving-up na  mag-aaral, nagtapos sa elementarya at high school at mga college graduates , congratulations sa inyong lahat at sa inyong mga magulang at nawa’y patnubayan kayo ng Diyos sa panibagong yugto ng inyong buhay, magtagumpay sa inyo-inyong napiling karera at maging responsable at kapaki-pakinabang na anak at mamamayan ng Pilipinas at ipinagmamalaking isang Pilipino.                                  PMCJr.

Amianan Balita Ngayon