‘Narco list’ tama ba o maling isa-publiko

Ano ang epekto ng pagsasa-publiko ng gobyerno sa mga pangalan ng pinaghihinalaan nilang mga opisyal ng barangay na sangkot sa droga na ayon sa DILG at PDEA ay beripikado at sumailalim sa masusing pagmamanman? Iginiit ng PDEA na tama ang mga pangalang nasa “narco list” sa kabila ng lumutang na mga reklamo, natural itatanggi ng mga  nasa listahan na hindi sila sangkot sa droga. May mga umamin na dati silang sangkot pero matagal na raw tumigil at sa katunayan ay may sertipikasyon pa sila na natapos nila ang takdang rehabilitasyon at may clearance na. May nagtaka rin na bakit napasama ang pangalan niya gayong aktibo ito sa kampanya laban sa droga at tumanggap pa ng mga parangal mula sa mismong nag-aakusang ahensiya ng gobyerno. Ang nakakapagtaka pa, ang isang pinangalanan ay mahigit isang taon na palang patay? Paano masasabi ng PDEA na tama at beripikado ang kanilang listahan?
Walang kapangyarihan ang Comelec na idis-qualify ang mga nasa “narco list” kung muling tatakbo ang mga ito sa Barangay election dahil wala namang kaso at walang criminal record ang mga ito kaya nasa mga botante na kung iboboto sila.
Ang “shame campaign” ay ginawa noon upang ipahiya at malaman ng mga residente ang mga taong may masamang gawa at lumalabag sa batas, kinondena at tinuligsa ng mga grupong nagbabantay at nagsusulong ng karapatang pantao ng isang tao. Hindi lubos na naging epektibo ang “shame campaign na ito noon. Ang pagsasa-publiko ng “narco list” ay hindi iba dito at mariing binatikos at di-makatuwiran kaya isinisigaw na hayagang nalabag ang karapatang pantao ng mga nasa listahan.
Kung totoong sangkot nga sa droga ang mga nasa listahan at may matibay na ebidensiya ang mga awtoridad ay hindi ba mas mabuting kasuhan na lamang sila at hayaang gumulong ang legal na sistema dito? Tutal ay nasa higit dalawang daan lamang ang nasa listahan ay hindi siguro mahihirapan ang gobyerno na magpila ng kaso laban sa mga ito. Sa ganitong paraan ay mas sigurado ang administrasyon ni Duterte na walang mahahalal na sangkot sa droga dahil may rason na upang sila ay hindi payagang kumandidato o madis-qualify sa una pa lamang.
Walang dudang maganda at mabuti ang pagpupursige ng gobyerno sa kampanya laban sa droga subalit kailangan pag-isipang mabuti ang mga hakbang na gagawin na ayon at sunod sa umiiral na batas at proseso upang hindi mapunta sa wala ang paghihirap ng mga aworidad at hindi lubos na mawala ang tiwala ng mamamayan at di pagdudahan ang kung ano ang tunay na layunin ng kampanya. Minsan nang nabahiran ang kampanya ng gobyerno laban sa droga dahilan upang pansamantalang itinigil ito, sa ibinunyag na “narco list” ay baka mabahiran muli ang kampanya laban sa droga.                                                                                  PMCJr.

Amianan Balita Ngayon