Pebrero – Pambansang Buwan ng Sining, masaganang Ani ng Sining

Editorial

Ang sining ay iba’t ibang uri ng paglikha ng biswal, nadidinig, o kaya isang pagtatanghal na ipinapakita ang kahusayan ng isang manlilikha sa kanyang imahinasyon, malikhang pag iisip, o teknikal na husay na nagnanais mapahalagahan dahil sa kanilang kagandahan o sa kakahayan nito na magpa-antig ng damdamin. Ang mga gawain na ito ay maaring paglikha ng sining, kritisismo ng sining, pag-aaral sa kasaysayan ng sining, at ang astetikong paglaganap ng sining.

Musika, teatro, pelikula, sayaw at iba pang uri ng pagtanghal kasama na rin ang literatura at iba pang uri ng media ay saklaw sa malawak na kahulugan ng sining. Noong ika-17 na siglo, ang sining ay kahit anong kahusayan o kadalubhasaan at di na-iiba sa agham at paglikha. Sa modernong panahon pagkatapos ng ika-17 na siglo, ang sining ay nagbibigay ng malaking pagpapahalaga sa astetikong pinapakita nito. Ang pinong sining ay naibuklod sa pandekorasyon na sining.

Bagaman pabago-bago ang kahulugan at kung ano ang sining, mayroong nanatiling pangkalahatang ideya pa rin ang nasasabi kasama nito. Ang pagiging malikhain o ang kahusayan na ipinapamalas ng tao. Ang kalikasan ng sining at ang mga ideyang kaugnay dito, pagka-malikhain at interpretasyon ay sinisiyasat sa isang sangay ng pilosopiya na tinatawag na estetika.

Ang salitang sining ay ginagamit upang ilarawan ang ilang mga gawain o mga paglikhang gawa ng mga tao na may kahalagahan sa isipan ng tao, na patungkol sa isang pagkaakit sa mga pandama ng tao. Kung kaya, ang isang sining ay nagagawa kapag ang isang tao ay nagpapadama ng kanyang sarili. Maraming mga tao ang hindi sumasang-ayon sa kung paano bibigyan ng kahulugan ang sining. Maraming mga tao ang nagsasabi na ang tao ay sumusulong na makalikha ng sining dahil sa kanilang panloob na pagkamalikhain. Kabilang sa sining ang pagguhit, pagpipinta, paglililok, potograpiya, sining-pagganap, sayaw, musika, panulaan, prosa, at teatro.

Napakayaman sa sining ang Pilipinas at maraming Pilipino ang mahuhusay at tumuntong sa rurok ng tagumpay, naging tanyag at bantog hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo sa kani-kanilang larangan ng sining. May mga yumao na at kahit napakatagal na ang kanilang mga obra at nai-ambag ay kinikilala pa rin hanggang ngayon. Dahil sa kanila ay nakilala ang bansang Pilipinas na kahit gatuldok lang sa globo ay napakalaki naman ang yaman nito sa sining.

Kaya bilang pagpapahalaga at pangangalaga sa sining ng Pilipino ay tampok sa Pambansang Buwan ng Sining 2019 selebrasyon ngayong Pebrero ang multi-venue ng mga aktibidad ng Ani ng Sining: Philippine Arts Festival sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Ang isang buwang Ani ng Sining ay maghahandog ng malawak na mga aktibidad na layong ipagbunyi ang masaganang ani sa sining ng Pilipinas gayundin pupukaw sa mga Pilipino na lumusong at magpahalaga sa sari-saring uri ng kultural na ekspresyon, kabatiran at pagkamalikhain.

Ang Ani ng Sining: Philippine Arts Festival ay bubuuin ng flagship projects ng Sub-Commission on Arts (SCA) na pitong national committees – Architecture, Cinema, Dance, Literary Arts, Music, Dramatic Arts and Visual Arts – na itatanghal sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.

Sana sa pamamagitan nito ay mapagbuklod ang bawat Pilipino, magkaroon ng kahit kaunting katahimikan at kaayusan dahil sa pag-ibig. Dahil sabi nga nila, “ang sining ay dapat maging ekspresyon ng pag-ibig dahil kung hindi, ito ay walang silbi, at kung ika’y lilikha mula sa puso, halos lahat ay gagana; pero kung mula sa ulo, halos lahat ay mapapasa-wala.”

PMCJr.