Sa Matitinding Hamon, Tuloy-tuloy Tayong Matatag na Magkakasama

Ang mga anibersaryo ay mga oportunidad para sa paggunita ng taong lumipas at positibong pagbubulay-bulay para sa taong darating. Ang nakaraang taon ay naging isang masaya at matagumpay na taon sa ilang mga paraan.
Binigyang-kahulugan ito ng isang iba’t-ibang masasayang alaala, masasandigang pagkakaibigan at matatag na mga relasyon. Sabihin pa na mayroong ilang daan na naging mahirap tahakin, ngunit sa kabila ng mga katitisuran sa daanan ay nakapaglakbay tayo muli sa isang panibagong taon – magkakasama, nagsusuportahan, nagpapatibayan ng loob, nagtitiis at tumatatag.
Sa Setyembre 4, 2020 ay isang magandang pagkakataon na ipagdiwang ang trabaho ng Amianan Balita Ngayon sa loob ng nakaraang siyam na taon gayundin ang pagtingin sa hinaharap at pagbabahagi ng aming mga plano para sa kung ano ang susunod na darating.
Bagama’t nitong huling anim na buwan ay hinamon tayo ng kakaiba at napakabagsik na pagsubok na halos ilugmok ang karamihan ng mga negosyo at pinagkakakitaan ng mga tao sa Pilipinas at sa buong mundo – hindi rin nakaligtas ang inyong pahayagan. Tuwirang pinilay ng pandemyang COVID-19 ang ekonomiya, pinadapa sa sakit ang milyon-milyong tao at kumitil daan-libong buhay bukod pa sa tila tinigpas ang natitirang mga pag-asa ng bawat mamamayan.
Dahil sa tila pagtigil ng mundo, hindi normal na mga galaw at pamumuhay na umapekto sa operasyon ng mga negosyo, ay muntik nang bumigay ang Amianan Balita Ngayon.
Maraming malalaking kompanya ang nagsara na dahil sa epekto ng pandemya at para sa isang maliit na pahayagan gaya ng ABN ay nanganib na ring tumigil ito sa sirkulasyon.
Ngunit dahil sa sadyang matatag ang pananampalataya ng mga bumubuo nito, ang tiwala sa Diyos na malalagpasan din ang kalbaryo at lakip pa ang pagtutulungan at walangiwanan na prinsipiyo ng bawat kasama sa trabaho ay naitaguyod ang peryodiko hanggang sa ngayon.
Hindi mararating ng Amianan Balita Ngayon ang siyam na taon sa industriya ng paglalathala kung hindi dahil sa tulong at suporta ng mga tanggapan, ahensiya ng gobyerno, mga pribadong kumpanya at mga negosyo at mga indibiduwal na walang sawang kaakibat at karamay sa paglalakbay ng Amianan Balita Ngayon – sa sobrang dami niyo ay tila kulang ang espasyo para maturingan kayo, subalit para sa amin, ang mahalaga ay alam na ninyo kung sino-sino kayo kaya taos-puso at walang pagsidlan ang aming pasasalamat.
Ang dagok ng pandemya ng COVID-19 ay magmimistulang tagapag-paalala at hamon para muling bumangon at magpatuloy sa pagiging isang uliran at mapagkakatiwalaang pahayagan ang Amianan Balita Ngayon sa buong hilagang Luzon hanggang sa mga darating pang panahon sa tulong at awa ng Panginoong Diyos.
Nawa’y makasama pa namin kayo na masugid na tumatangkilik ng aming pahayagan – mga mambabasa, subscribers at advertisers ng mas mahaba pang panahon. At habang ipinapahayag namin ang aming pasasalamat para sa isang napakagandang taon na lumipas ay nasasabik kami sa kung ano ang naghihintay sa hinaharap. Inaasamasam namin ang isa pang magandang taon – isang panahon na magtatatag at patibayin pa ang mga relasyon; lumikha at pagyamanin pa ang mga alaala at isang panahon na punongpuno ng mga pangarap.
Sa ating pagdiriwang, ang mas lalong pinapahalagahan namin ang mga espesyal na tao na kasama namin sa loob ng siyam na taon at makakasama pa. Ang pinakamahalaga ay kung sino ang nasa tabi mo sa paglalakbay tungo sa tagumpay.
Maraming salamat po sa inyong lahat – sa pagiging kasama namin sa mga nagdaong taon at nawa’y manatiling nasa tabi pa naming kayo sa darating pang mga taon.

Amianan Balita Ngayon