Sa paggunita ng Undas, ilibing na rin ang masamang ugali

Ang Nobyembre 1 at 2 ay dalawang araw na pista sa kalendaryo ng simbahang Katoliko kung saan ang selebrasyon ng All Saints’ Day o Pista ng mga Santo ay ipinagdiriwang ng mga Kristiyano at Katoliko ang komunyon ng mga santo kung saan inaaalala ang mga itinanghal na banal at ginugunita ang mga santo sa araw ng Nobyembre 1.
Sa Nobyembre 2 naman ay ang All Souls Day o Araw ng mga Patay o Pista ng mga Patay na mas tinatawag sa Pilipinas na Undas, araw na inaalala ang mga yumao na.
Para sa mga Pilipino, ang sentro ng pagdiriwang ng Undas ay sa sementeryo. Pinaghahandaan ng mga tao ang pagpunta sa sementeryo at bisitahin ang mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay upang magbigay-pugay, mag-alay ng bulaklak pati na pagkain, magtirik ng kandila at magdasal.
Nagiging panahon din ito ng reunion ang mga magkakamag-anak, kung kailan sila nakakapagkwentuhan ng matagal-tagal. Minsan pa’y naglalaro sila gamit ang mga baraha at iba pang pampalipas-oras gaya ng kantahan at inuman.
Sa dating nakagawiang ito ay di naiwasang bansagan pa ang araw na ito na Pista ng mga Buhay kaysa Pista ng mga Patay dahil dinadagsa ng maraming tao ang sementeryo para magkasiyahan. Subalit ipinagbabawal na ngayon ang ganitong kasiyahan at ingay sa loob ng sementeryo.
Marami pang kaugalian sa araw ng Undas, ngunit hindi ba magandang oras din ito na isipin din natin ang sarili nating buhay, at ating kamatayan? Iiwan din nating lahat ang mundong ito isang araw, at tama lamang na maging kapaki-pakinabang ang mga taon habang tayo’y nabubuhay pa. Itinatanggi ba natin na hindi maiiawasan ang kamatayan sa paggamit ng ating mga araw na tila walang katapusan? Subalit maraming mga pantas na lalaki at babae ang nagpaalala sa atin na ang kamatayan ay isa lamang pagpapatuloy ng ating walang hanggang pag-iral, kaya hindi natin dapat katakutan ito o itanggi man.
Sabi nila, ang kamatayan daw ay isang uri ng kalayaan, at isang komunyon o pakikipagsalo sa Maykapal na lumikha sa atin. Hindi ito dapat katakutan, bagkus bagay na dapat nating paghandaan at aasahan. Ang ating huling hantungan kung saan lahat tayo ay pupunta isang araw, ay isang espesyal na lugar para sa ating kaluluwa upang gumalaw ng malaya, masaya at matiwasay. Dahil doon ay wala ng gutom at pighati, puro na lang kasayahan at pagpupuri sa Poong Maykapal.
Kaya’t habang tayo ay nabubuhay pa at bilang paghahanda ay mas mabuting gumawa na tayo ng kabutihan. Unahin na nating ilibing ang galit, ang paghihiganti at ang negatibong kaisipan dahil pagdating ng panahon ay aalalahanin tayo sa ating mga ginawa at uri ng pamumuhay sa ibabaw ng mundong ito.
Iba-iba ang mga aktibidad na ginagawa ng mga Pilipino tuwing panahon ng Undas. Pero sa gitna ng mga ito’y dapat alam natin kung bakit natin sila ginagawa. Ating tandaan na ang layunin ng Undas ay ang paggunita natin sa ating mga mahal sa buhay na namayapa na. Pag-alay ng dasal at pagbisita sa kanilang himlayan ay di sana natin nalilimutan.
Kung tutuusin ay kahit anong araw naman ay maaari natin silang gunitain, dahil sa mga tunay na nagmamahal, hindi sila kailanman nawawala sa ating mga puso at isip.

Amianan Balita Ngayon