Umaawat sa away, nabaril ng lasing na bayaw sa Ifugao

Nakatanggap ng tawag ang Aguinaldo MPS bandang 1am ng Marso 25 mula sa barangay secretary ng Halag, Aguinaldo, Ifugao upang iulat ang insidente ng pamamaril na naganap sa kanilang barangay kung saan dinala ang biktima sa Sta. Maria District Hospital ng Alfonso Lista, Ifugao para magamot. Bineripika ng mga tauhan ng Aguinaldo ang MPS at lumabas na totoo ang ulat.
Sa imbestigasyon, nag-iinuman sa kanilang bahay ang biktimang si Joshua Innay Ogasna, 26, residente ng Sitio Nipojno, Halag, Aguinaldo, Ifugao, kasama ang kaniyang dalawang bayaw at tatlong kapitbahay. Habang nag-iinuman, kinuha ng kaniyang bayaw na kinilalang si Dexter B. Acangan, 19, ang caliber .45 pistol na nakasukbit sa kaniyang baywang para komprontahin ang hindi pa nakikilalang grupo na nagsisigaw habang dumadaan sa kanilang lugar.
Inawat naman ng biktima ang suspek subalit nabaril siya nito at tinamaan ang kaniyang tiyan. Humingi ng tulong sa ibang kapitbahay ang asawa ng biktima nang makita ang pangyayari at dinala ang biktima sa Sta. Maria District Hospital at kalauna’y inilipat sa Callang Hospital sa Santiago City para sa higit pang paggamot.
Ang mga rumespondeng tauhan ng PNP ay nagsagawa ng hot pursuit operation para sa posibleng pagkaaresto sa suspek.

Amianan Balita Ngayon