Walang puwang ang marahas na panunupil – may espasyo pa sa kooperasyon

Gaya ng inaasahan ay umani ng batikos at pagtutol lalo na mula sa mga state colleges at universities at ibang kolehiyo na naunang tinukoy ng gobyerno na may mga “pag-recruit” at “infiltration” na nangyayari sa loob ng paaralan gayundin ang mga makakaliwang grupo at ilang kinatawan nila sa kongreso sa panukala ni Senador Rogelio “Bato” dela Rosa na amiyendahan ang kasunduan ng University of the Philippines (UP) at military at police noong 1989/1995 na hindi dapat pumasok ang mga unipormadong personnel sa loob ng mga campus ng UP at magbigay ng paunang abiso kung kinakailangang pumasok sila. May isang probisyon din na pinapahintulutan ang mga unipormadong personnel na pumasok “sa oras ng hot puruit at kaparehong okasyon ng emergency.”

Nais ni Dela Rosa, ng PNP at AFP na bigyan ng seguridad at proteksiyon ang mga kolehiyo at unibersidad kabilang na mula sa impluwensiya ng makakaliwa, at kailangang may presensiya sila sa loob ng mga campus upang mahadlangan ito sa impluwensiya sa pamamagitan ng karagdagang presensiya ng military at police sa school campus.

Depensa ni Senador Dela Rosa na dati ring hepe ng PNP na kailangan ding magsagawa ang gobyerno ng katapat na “indoctrination” nila upang salungatin ang indoktrinasisasyon ng komunista.

Sa panig naman ni Ret. Gen Carlito Galvez, Presidential Adviser on the Peace Process at dati ring hepe ng AFP na kailangan ang presensiya ng police at sundalo sa loob ng mga unibersidad upang mahadlangan ang mga pamamaril sa loob ng mga paaralan katulad ng mga nangyari sa Estados Unidos, New Zealand, Australia at sa Europe, dahil kapag may nangyaring pamamaril ay isisisi na kapabayaan ng militar at police na mapapasama ang puwersa ng seguridad.

Kamakailan ay nagsagawa ang mga estudyante ng ilang kolehiyo sa pangunguna ng UP sa buong bansa ng protesta sa kalsada upang tutulan at batikusin ang planong ito ni Senador dela Rosa dahil lantaran daw na paninikil ito sa “campus freedom” at pagbabalik ng martial law sa paaralan at militarisasyon.

Ayon sa mga nagprotesta, ang hakbang ay papunta lamang sa malawakang paniniktik at monitoring ng mga estudyante, faculty at mga opisyal ng paaralan lalo na sa mga kritiko ng gobyerno ni Duterte.

Mula pa noong dekada ‘60 partikular noong 1968 ay nag-umpisang maging aktibo at agresibo ang mga estudyante sa mga kilos protesta sa impluwensiya ng mga malawakan at progresibong pagkilos sa Estados Unidos, sa Europe, Central America, Asia at iba pang bansa.

Ang protesta ng 1968 ay binuo ng isang pandaigdigang pagtindi ng mga kaguluhan sa lipunan, kakikitaan ng popular na rebelyon laban sa militar at burukratang ilitista na rumesponde ng pagtindi ng politikal na panunupil. Ang halimbawa nito ay ang pag-aalsa noong 1971 laban kay Marcos na tumindig ang komunidad at pinatatag ang moog ng UP Diliman sa puwersahang pagsakop sa unibersidad ng militar at police.

Ang UP na isang state university system ay ang pambansang unibersidad ng Pilipinas at kalimitang kinikilalang pangunahing unibersidad. Humubog ng daan-daan libong matatalino at matagumpay na Pilipino at mga lider ng bansa at patuloy na humuhubog ng matatalinong estudyante na inaasahang makakatulong sa tunay na pagbabago at pag-unlad ng Pilipinas.

Dito rin nahubog ang aktibismo at nagtapos ang maraming kilalang makakaliwa at mga tumalikod na lumaban sa gobyerno.

Ang UP ang may pinakamataas na endowment at budget sa lahat ng state universities at colleges sa bansa na may pinakamataas ding alokasyon para sa mga iskolar ng bayan na PhP177,000 bawat estudyante habang ang iba ay nasa PhP9,000.

Humiling ang UP ng badyet na PhP44.9 bilyon sa taong 2019 subalit tumanggap lamang ng PhP15.5 bilyon na may karagdagang PhP1.5 bilyon para sa operational at equipment expenses.

Samantala, ang UP din ang payunir ng Reserve Officer Training Corps sa Pilipinas na sinundan ng ilang State at Private Universities-Colleges na inaktibo ang ROTC units sa ilalim ng Army of the Philippine Commonwealth noong 1912.

Hindi ba’t may karapatan din ang gobyerno higit sa obligasyon nitong pangalagaan ang isang sangay ng tahanan nito na bigyan proteksiyon, sustentuhan gaya ng isang miyembro na pamilya na kailangang pag-aralin at pakainin upang di maglao’y maging matatag na magsarili at maibalik sa nag-paaral sa kaniya anumang kabutihan para dito – na hindi gaya ng isang ahas na tutuklaw din sa kabila ng lahat?

Wala nang puwang ang karahasan at panunupil gayundin sana ang pailalim na pagpapabagsak sa legal na gobyerno. Sa kabila ng lahat ay naniniwala pa rin kami na may espasyo pa ang kooperasyon sa pagitan ng militar at police at ng mga nasabing unibersidad at kolehiyo tungo sa pagbabago na kapuwa minimithi ng bawat isa.

Amianan Balita Ngayon