Hindi na edad, kapakanan na lang ng bata at susunod na henerasyon ang isipin

Gaya ng inaasahan ay umani ng mga pagtutol at batikos ang pag-apruba ng House Committee on Justice sa panukalang batas na layong ibaba ang edad ng “criminal liability” mula 15 sa siyam na taong gulang na nagsususog sa Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, ang isang bata na siyam na tong gulang at pababa sa oras ng paggawa ng isang krimen ay libre sa “criminal liability”, habang ang mga lagpas siyam na taong gulang subalit mas mababa sa 18 taong gulang ay libre sa criminal liability maliban na lang kung ang menor de edad ay alam niya ang ginawa niyang paglabag sa batas (discernment).
Sa dagliang tingin ay mangangamba ka rin dahil sa edad na siyam ay tila musmos pa ang bata kung papatawan na ng “pananagutang kriminal.” Subalit kung titingnan mo rin ang isang bata na nasa murang edad pa lang ay nagnanakaw na; snatcher o mandurukot na; umiinom ng alak, naninigarilyo, o nagdrodroga na; nangingikil na; nanggagahasa na; at pumapatay na o anupamang karumal-dumal na krimen na kahit sa hinagap ay alam mong hindi magagawa ng isang bata subalit nagawa na at ginagawa na at patuloy pang gagawin dahil ito ay tunay nang nangyayari ay hindi ba nakapanlulumo at nagdudulot ng pangamba?
Ang mga kinasasangkutang mga krimen ng mga kabataan ngayon ay talagang pagkaligaw at paglihis sa likas na pag-uugali ng isang bata. Na ang bata na sa pangkalahatan ay inaasahan na maging mabuti at inosente gaya ng ibang normal na bata ay may kakayahan ng gumawa ng isang bagay na kasing-dilim nito ay tunay ngang nakakaligalig at nakakabahala. At ang masaklap ay dumadami na ang mga menor de edad na nasasangkot sa iba’t ibang krimen.
Marami ang naniniwala na ang paghihirap na kinasasadlakan ng “children in conflict with the law” ay nag-ugat una sa kahirapan at magulong pamilya kung saan ang moralidad, malinis at matuwid na pag-uugali ng isang pamilya ay nabasag na dahil sa kawalan ng pag-asa sa buhay. Isang hubad na katotohanan na maraming mahihirap na magulang ang kumukunsinti o humihikayat sa kriminalidad ng bata o sadyang hinuhubog at paglalantad sa kanilang mga anak sa isang buhay ng kriminalidad para maitawid ang pamumuhay at kumita dahil alam nilang libre ang mga bata sa pananagutang kriminal. Ang katotohanang ito ay nag-udyok din sa mga sindikato na samantalahin ang mga bata para sa karumal-dumal na gawain lalo na ang pangangalakal ng iligal na droga.
Ang pagpapababa sa edad na siyam sa pananagutang kriminal ay hindi na bago dahil ito ay ipinatupad mula 1930 hanggang 2013 sa ilalim ng Revised Penal Code hanggang sa gawing 15 anyos ang Minimum Age of Criminal Responsibility noong 2013 na nais lang ibalik.
Nariyan din ang katotohanan na ang pakikialam ng social welfare ay maaaring magtaguyod ng risidibismo o paulit-ulit na paggawa ng paglabag dahil ang mga batang nahuhuli ay nakakasiguro na ng pagkain at matitirhan habang nasa pangangalaga ng social welfare.
Subalit hindi dapat mawalan ng pag-asa. Tunay nga na kailangan ng kabahayan upang humubog ng isang bata ngunit higit sa mga pamilya at mga ahensiya ng gobyerno ay may mahalagang papel din ang mga grupo ng pribadong sektor, mga paaralan, relihiyosong organisasyon, ang media at ang kumunidad para matulungan ang mga menor de edad na lumalabag sa batas sa pamamagitan ng pakikialam, pagsawata, paglibang at programa sa rehabilitasyon.
Hindi na dapat pagtalunan ang edad kundi ang tunay na kapakanan ng mga bata at ng susunod pang henerasyon dulot ng maayos at wastong batas.
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon