MAY MALINIS PA BANG HALALAN?

Bumalik ang Pilipinas sa eleksiyon noong Lunes, Oktubre 30, upang pumili ng mga bagong lider sa barangay. Ito ang kauna-unahang halalan sa barangay at sangguniang kabataan sa limang taon, matapos kapuwa at magkahiwalay na inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at kasalukuyang Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapaliban ng eleksiyon na naunang nakatakda noong 2020 at 2022. Ang barangay ay siyang pinakamaliit na bahagi ng gobyerno at ito rin ang pangunahing tagapagpatupad ng mga polisiya ng gobyerno.

May kabuuang 1.41 milyon tao ang nagpila ng kanilang kandidatura upang punan ang 672,432 posisyon para sa halalan ngayong taon. Sa pagtatapos ng BSKE 2023 ay ipinagmalaki ni Comelec Chairman George Garcia na naging matagumpay, maayos, at walang failure of elections ito ay sa kabila ng maraming insidente ng karahasan na naiulat sa panahon ng pagboto sa iba’t-ibang presinto sa buong bansa, lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Minadanao (BARMM) at probinsiya ng Abra.

Ayon kay Garcia ay nasa 2,530 electoral members sa BARMM ang umatras bago ang araw ng eleksiyon dahil sa takot para sa kanilang seguridad samantalang nasa 29 mga guro naman mula sa Abra ang umatras bago ang araw ng halalan at dalawa pa mula sa Barangay Lapat Balantay sa Tineg na nais nilang umatras matapos makarinig ng mga putok sa lugar ng botohan subalit nagdesisyong ipagpatuloy ang kanilang serbisyo sa panahon ng BSKE. Sa pangkalahatan ayon sa Comelec ay naging maayos ang leksioyn sa 201,786 presinto sa buong bansa maliban sa ilang presinto na naaatala ang pag-uumpisa dahil sa ilang dahilan gaya ng seguridad.

Ang “failure of elections” ay mangyayari kung mayroong karahasan, banta, intimidasyon, terorismo, force majeure, o pagkawasak o pagkawala ng election pharaphernalia na magiging sanhi ng pagiging imposibilidad ng magsagawa ng halalan. Sa pagtatapos ng BSKE ngayong taon ay inaasahan natin at hinihimok ang mga bagonghalal na opisyal na gampanan ang aktibong papel sa pagsusulong ng pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran. Sa pagiging pangunahing yunit ng lokal na gobyerno ay mahalaga ang mga papel ng mga opisyal ng barangay sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo na malaki ang epekto sa mga buhay ng bawat-isa sa kanilang mga nasasakupan.

Sa mga opisyal naman ng Sangguniang Kabataan ay importante rin ang kanilang papel sa pangunguna sa mga kabataang Pilipino at kailangang kilalanin din ang kanilang papel na magsilbi bilang mahusay na huwaran sa bawat kabataan na pangungunahan sila tungo sa daan ng payapa
at humuhubog sa bansa na tinatanglawan ng pag-ibig sa sariling bansa. Malaki at mahalaga rin ang gampanin ng mga opsiyal ng barangay at SK sa aktibong paglahok sa pagtukoy ng sanhing-ugat ng panlipunan at pang-ekonomiyang mga isyu at paghahanap ng mga solusyon sa mga problemang nakakaapekto sa mga komunidad, lalo na mga lalawigan.

Ang bawat halalan ay mahalaga na kinakailangang lahukan ng mga may karapatang mamamayan sa pagpili ng mga manunungkulang lider mula sa barangay hanggang sa buong bansa. Ang karapatang bumoto at lumahok sa pagboto ng mga lider ay isang paraan sa pagbibigay ng direksiyon ang isang lugar na nagsisimulas sa mga barangay hanggang sa munsipiyo, lungsod, probinsiya at sa bong bansa. Laging minimithi sa bawat halalan ang malinis at mapayapang pagdaraos nito, ngunit, sa buong kasaysayan ng proseso ay hindi man lang tayo makalapit sa nais na ito.

Walang ni isang pagdaraos ang malinis lagging may mga insidente ng karahasan, pagpatay, paninindak at ang hindi maampat na pagbili at pagbenta ng mga boto – ito ay dahil na rin sa kasakiman ng mga gustong umupo. Maaaring may pag-asa pa na makamit natin ang mithiing malinis at mapayapang halalan kung sa bawat pagpili ay ang mga karapat-dapat at walang bahid na pansariling interes na mga tao ang ating iluluklok sa puwesto, dahil tila wala ng silbi ang mga batas dahil hindi na ito iginagalang ng ilan kaya tamang umpisahan sa pagpili sa mga taong hindi pasasailalim sa kinang ng pera at mapapayuko sa impluwensiya ng mga ganid at korap na politiko.

Amianan Balita Ngayon