Mga survey sa tuwing eleksiyon, anong say ninyo?

Kayo ba’y naniniwala o hindi sa mga surveys sa tuwing may eleksiyon? Tiyak naming hindi iisa ang inyong sagot, mga pards. Kung bakit, yan ang ating hihimaying maigi sa eksenang ire ng daplis mga pards.

Hindi tayo manghuhula pero meron tayong mga puntos mula sa mga nakaraang mga halalan. May ginawang mga survey na rin noon bago ang eleksiyon sa nakalipas na mga taon.

Lumalabas na may mga survey na medyo hindi lumalayo ang kartada ng mga kandidato sa kinalabasan ng eleksiyon. Yon kaya ay mga nagkataon lang o ano?

Gaya ng mga lumabas sa mga survey para sa top 12, hindi man nasunod ang pagkakasunod sa resulta ng mga survey, lahat ng mga nakalista sa top 12 ay lumabas o nanalo naman. Ano kaya yon?

Tsamba lang kaya o tunay na pulso noon ng bayan na nakuha ng survey bago ang halalan? Kung tsamba, aba’y napakagaling naman ng mga tsumamba, di ba?

Ang ibig bang sabihin ay may pagkakataon na nagkakatotoo ang laman ng survey o ano?

Sa hanay ng mga kandidatong nasyonal, malayo pa man ang simula ng kampanyahan ay may mga lumalabas nang mga papulso. Doon daw natitimbang ang lakas ng isang kandidato.

Habang kalakasan na ng kampanyahan, sala-salabat na ang mga naglalabasang mga resulta ng mga survey. May mga nagsusurvey na biglang sulpot bagamat mas nakakalamang ang dalawang malalaking survey firm – SWS at Pulse Asia.

Sa mga unang ratsada ng mga resulta ng kanilang mga survey, nagpapakita na sila’y maingat sa paglathala sa mga kandidatong inaasahan ng mga botante na may lakas, ganun din sa mga mahihina.

Naglalabasan din ang mga political analysis kasama na raw ang mga siraan at paglabas ng mga pekeng balita kontra sa mga tumatakbo.

Pero kung ang basehan ay mga survey, tiyak na marami pa rin ang nalilito. Bakit kasi?
******
Kamakailan lang, nagsagawa diumano ang dalawang malalaking survey firm ng halos magkasabay na survey (nakaraang Pebrero, 2019). Dikit at halos sabay ang mga petsa nila ng sinurbeng mga araw. At ano ang resulta? Marami ang namangha dahil doon lang sa top 3 magkapareho ang mga kandidato nasyonal sa kanilang ranking.

Pero sa mga sumunod na mga posisyon, sungkisungki na hanggang sa buod ng top 15 candidates. May bumaba, may tumaas. Pero teka lang, pards.

Kung halos sabay na araw sila nag-survey, bakit magkaiba ang kanilang resulta? Nguso ng ilan: baka sa magkakaibang lugar daw sila nag-survey. Ganern? Sabat naman ng mga busesero: wala kayang hokuspokus yan? Tunay kayang pulso ng masa ang inilalabas nila o ala-Madam Auring lang sila na may bolang Kristal?

Ahm, ewan, pards. Basta ang alam natin, sa bawat survey, sila’y nagtatanong. Parehas ba kaya ang tanong ng dalawang kompanyang nag-survey?

Daplis ng isang lasing: nakupo, baka may bayaran diyan, hik! Hoy, tumigil ka, wala kang basehan. Manilip ka muna ng ebidensiya.

Di pa man nagsisimula ang kampanyahan ng mga local na kandidato, may mga lumalabas nang mga survey. Si ganito raw ang malakas.

Pati nga raw yong hindi kumikilos, biglang humaharurot ng lakas sa survey at yong dada ng dada, nakukulelat. Ganyan talaga ang local na survey.

Baka sorbetes yan at survey sa ilalim lang ng puno ng pine tree. Ang aral: hindi dapat mapagpaniwala agad sa mga kandidato. Baka may mga gumagawa lang ng pera.

Ipunin na lang ang mga survey na yan at mangampanya ng todo at legal. Iwasan ang manira upang di masuya at magalit ang mga botante.

Kapag tapos na ang eleksiyon, saka ninyo balikan ang itinago ninyong survey. Doon na kayo magsalita kung dapat ba o hindi paniwalaan ang mga surveys sa tuwing eleksiyon.

Tiyak may mga papalakpak at magpapasalamat sa survey, at meron ding magmumura at magngingitngit. Relaks lang mga pards. Ganyan talaga ang halalan. Tatlo lang ang resulta: may mananalo, may matatalo, meron ding dinaya. Batobato sa langit. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon