Sa pagtaas ng presyo ng langis – ibayong pahirap

Ang presyo ng mga produktong langis sa Baguio ang isa sa pinakamataas sa kasalukuyan, sunod sa Palawan na halos umabot na sa P70 ang isang litro ng gasolina. Malaki ang diperensiya sa presyo sa lungsod ng Baguio kaysa sa ibang mga bayan at probinsiya na nasa sampung piso ang agwat. Ang pagtaas ng presyo ayon sa DOE ay bunsod ng sunod-sunod na pagtaas din ng presyo ng krudo sa international market. At kaya mas mataas ang presyo sa Baguio at ibang lugar ay dahil sa service costs at transportation cost ng mga kompanya ng langis gayundin ang kawalan o malalayong oil depot at refinery sa mga lugar na ito.
Taong 2008 ay komunsumo ang Pilipinas ng mahigit 288,000 bariles ng langis bawat araw na tumataas sa bawat taon na kung saan ang pump price ng gasolina noon ay nasa P40 ($0.48) kada litro.
Sa kawalan ng sistemang subsidiya para sa langis at gas at isang sektor ng elektrisidad na nasa lubos na pagsasa-pribado, ang merkado sa enerhiya ng Pilipinas ay isa sa pinaka-liberal sa Timog-silangang Asya. Ito ang dahilan kaya pabago-bago ang presyo ng mga produktong langis sa bansa. Bilang isang bansang nakadepende sa pag-aangkat ay talagang mataas ang halaga ang nagagastos natin sa enerhiya at dahil nga sa walang subsidiya, ang epekto ng mataas na presyo ng langis ay mas malubha sa mga Pilipinong mababa ang kita.
Alam ng gobyerno ang mga isyung ito subalit wala pang maliwanag na plano o hakbang ang ikinakasa. Madali lang na sabihin ng gobyerno na tumaas ang presyo sa international market ngunit mas mainam kung may makita ang taong-bayan na ginagawang solusyon. Sa Baguio ay nagpasa si Congressman Mark Go ng House Bill 7352 na layong amiyendahan ang “oil deregulation law” at kinuwestiyon din at pinagpaliwanag ang tatlong malalaking kompanya ng langis kung bakit lubhang mas mataas ang presyo ng petrolyo sa Baguio subalit hanggang sa ngayon ay lalong tumataas pa ang presyo.
Sa sobrang depende ng Pilipinas sa pag-angkat ay kailangan na sigurong pagtuunan ng pansin ang lokal na produksiyon ng langis. Pasiglahin ang mga kasalukuyang oil fields gaya ng Malampaya at iba pa. Ituloy ang oil explorations dahil marami pang geological structures na matatagpuan sa loob at paligid ng Pilipinas.
Sa ngayon ay pumalo na sa $70 bawat bariles ang krudo at nangangamba ang mga eksperto sa ekonomiya na maaaring umakyat pa ito hanggang $100 bawat bariles ng krudo. Kapag nangyari ito ay napakalubha na ang magiging katayuan at pamumuhay ng mas maraming Pilipino at huwag sanang muling magkaroon ng krisis sa langis sa ating bansa. Marahil, upang kahit paano ay maiwasan ito ay kinakailangan natin ang pagtitipid, eksplorasyon sa likas na yaman at pagtutok sa renewables.  PMCJr.

Amianan Balita Ngayon