VP Robredo may dalawa’t-kalahating taon pa, tulong ng US kailangan niya?

Editorial

Ang abuso o pagkalulong sa methamphetamine (METH) ay isang lumalaking pandaigdigang problema sa kalusugan kung saan tinatayang nasa 35 milyon ang gumagamit nito sa buong mundo, kabilang na ang mga bansang Canada, China, Japan, Mexico at USA ayon sa pinkahuling World Drug Report na inilabas ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC). Mahigit kalahati ng gumagamit ng METH sa buong mundo ay nakatira sa Southeast Asia.

Sa Mexico, ang bilang ng mga taong sumasailalim sa gamutan sa psychostimulant addiction ay mula 3% noong 1996 sa 20% noong 2006. Ang METH ang pinaka-pangkaraniwang synthesized illegal drug sa Estados Unidos at tinukoy ng mga law enforcement officials bilang pangunahing sanhi ng problema sa kriminalidad sa bansa. Sa isang 2006 survey ay ipinakitang 5.8% ng mga Amerikano edad 12 taong gulang pataas ay gumamit na ng METH kahit isang beses.

Hindi lingid na may problema rin sa droga ang Amerika (sa katunayan ay malaki). Nasa mahigit 22 milyon Amerikano ang may problema sa abuso sa droga. Sa anumang pagkakataon ay nasa 4.5 milyon katao ang nasa impluwensiya ng droga. Ang kahihinatnan sa kalusugan ng publiko dahil sa abuso sa droga ay nakakalula, nasa higit 70,000 pagkamatay dahil sa drug overdose noong 2017. Inilalarawan nito ang dobleng kamatayan na may kaugnayan sa droga sa loob lamang ng sampung taon.

Ang mas malawak na kahihinatnan sa kalusugan at mental na kalagayan ng abuso sa droga ay kapuwa nakakabahala para sa mga Amerikano. Halimbawa, halos walong milyong indibiduwal ang nakakaranas ng mental health at substance abuse disorder. Isipin na lang ang epekto nito sa mga tao, pamilya at komunidad.

Ang epekto sa ekonomiya ay lubhang nakakalula rin. Sa pinakahuling mga pagtataya, ang nawawala sa productivity at health care costs dahil sa iligal na droga ay mahigit $500 bilyon bawat taon. Ang ekonomiya sa iligal na droga ay buhay at masigla. Ipinapakita sa mga pagtaya na gumagastos ang mga Amerikano ng $100 bilyon taon-taon sa apat na droga lamang – marijuana, cocaine, heroin at methamphetamine. Ang Mexican cartels ay isa sa pangunahing
benepisaryo ng lumalagong merkadong ito. Ang ekonomiya ng kalakal sa droga ay gumuguhit ng nakakaakit na larawan.

Ang isang kilo ng cocaine mula Colombia ay mabibili sa $2,000. Sa oras na dumating ito sa Mexico, ang isang kilo ay may halagang $10,000. Kapag tumawid naman ito sa palibot ng U.S. tataas ang halaga nito sa $30,000. At kung mahati-hati ito sa gramo at ibenta sa mga lansangan, tumataginting na $100,000 ang magiging neto. Isipin mo ang 4,900% pagtaas ng presyo.

Mula pa noong 1970s ay lumalaban na sa giyera kontra droga ang Amerika. Sa katunayan ay gumastos sila ng $1 trilyon at may 45 milyon na pag-aresto dahil sa droga. Sa ngayon ay halos ikatlong-bahagi ng nakukulong ay dahil sa droga. Ang “go-to” solution o ang direktang operasyon sa problema sa droga ang naging tugon ng criminal justice ng Amerika at ang intensiyon ay upang bawasan ang dami ng droga na pumapasok at lilimitahan ang naikakalat, ibinebenta at hinahawakan. Sa hakbang na ito ay kabilang ang isang malawak at iba-ibang federal, state at local law enforcement at intelligence gathering agencies.

Kung titingnan ang polisiya ng Amerika sa droga na sa kanilang pagpupunyaging kontrolin ang suplay at pagkakaroon ng mga droga ay madali nating sabihin na ang tunay na problema dito ay mayroong sobrang dami ng droga. Walang pinagkaiba sa larawan ngayon na kinalalagyan ng Pilipinas. Ilang dekada na rin ba na ginugulo tayo ng problema s droga? Halos kasabay rin natin ang Amerika.

Bakit ba may poblema tayo sa droga, dahil ba sa napakaraming droga o dahil napakaraming tao ang gustong tumikim ng droga? Dahil sa tumataginting na ekonomiya sa iligal na droga, ang kalakalan dito ay kumapit na sa buhay ng mga taong dumedepende at maaaring maakit pa dito.

Ang “law of supply and demand” na gamit sa pagnenegosyo ay naging kalakaran na sa kalakalan ng iligal na droga – sa buong mundo. Kahit ano pang kontrol ang gawin ng gobyerno, kontrolin ang supply o kontrolin ang demand ay tila humahantong din sa wala.

Ang mga ebidensiya ay maliwanag, alam natin (ng mga opisyal) kung ano ang epektibong gamot. Ang kailangan lamang siguro ay isantabi muna ng mga taga-ukit ng polisiya ang politika at personal na mga opiniyon at tigilan na pagtambak ng problema sa criminal justice system.

Mayroon namantayong mga kasangkapan, kulang lang ng political will. Tama ang pagbibigay ni Pangulong Duterte ng posisyon kay VP Robredo bilang co-chair ng ICAD upang samasamang magtrabaho upang masolusyunan ang pinakagrabeng problema sa kalusugan at lipunan.

Kung ang paghingi ni VP Leni ng tulong sa Amerika at UN ay makakatulong nga sa problema ay bakit hindi? Subalit kung makakasama ito dahil kung tutuusin ay mas malaki ang problema ng US sa droga, saan papunta ang plano ni VP Leni? Mayroon pa siyang dalawa at kalahating taon, kaya kailangan niyang magmadali at gamitin ang kaunting nalalabing panahon.