WTE, praktikal na solusyon at di-gaanong masama

Sa kabila ng protesta at pagtutol ng ilang grupong maka-kalikasan sa pagtatayo ng mga planta ng Waste to Energy” sa Pilipinas ay inihayag ni Mayor Benjamin Magalong nitong nakaraang linggo na magtatayo ang Toyo Energy Solution Co. Ltd., isang kompanyang Hapon ng isang demo unit sa Dairy Farm bilang paghahanda sa Antamok Open pit. Ang teknolohiya ng Hapon ay inindorso ni Pangulong Rodrigo Duterte upang solusyunan ang problema ng basura sa Baguio na inirekomenda naman ng Department of Energy (DOE).

Ang enerhiya mula sa basura ay nakalinya sa plano ni Duterte na tugunan ang lumalalang krisis sa basura sa Pilipinas na ayon sa plano ng DENR at National Solid Waste Management Commission (NSWMC) na isulong ang WTE gamit ang makabagong mga teknolohiya.

Pinapaigting ng Pilipinas at Japan ang kanilang kooperasyon sa waste-to-energy (WTE) at nakita ang ilang pangunahing lungsod sa Pilipinas na potensiyal na lugar kabilang ang Baguio.

Ang pagsusunog ng basura ay ipinagbabawal sa Pilipinas sa ilalim ng Clean Air Act ngunit hindi napigil nito ang ilang pribadong kompanya na nais magtayo ng “waste incinerators” upang lumikha ng elektrisidad. Subalit sa makabagong teknolohiya ng mga Hapon gaya ng Toyo Energy Solution Co. Ltd. ay wala daw pagsusunog na mangyayari gaya ng mga conventional waste-to-energy systems na lumilikha ng elektrisidad sa pagproseso ng basura sa pamamagitan ng thermal combustion, ang Toyo system ay inilalabas ang methane gas mula sa pinigang basura para paandarin ang mga generators.

Maaari din daw gamitin ang renewable energy system para tratuhin ang wastewater, ibenta ang byproducts ng methane fermentation bilang pataba at charcoal bricks mula sa residual waste.

Ayon sa mga ekspertong Hapon, ang 55 porsiyento ng gas na nalilikha mula basura ay methane na maaaring gamitin sa pagluluto gaya ng natural gas, o paandarin ang mga generators habang 45 porsiyento ay carbon dioxide. Ang elektrisidad ay maaari ding ibenta sa Luzon grid.

Sa kabila ng implementasyon ng Plastic and Styrofoam Free Baguio Odinance ay nasa 400 metric tons ng basura ang naiipon araw-araw ng 350,000 residente ng Baguio na binubuo ng magkahalong 170 (42.5 %) na residual, 160 (40 %) na biodegradable, 48 (12 %) na recyclables at 22 (5.5 %) na special wastes.

Ang bulubunduking lungsod ay binabagabag ng salot ng bulubunduking basura na kapag hindi kaagad natugunan ang solid waste management disposal ay matutuyo ang kaban na sa katunayan ay kumain na ng mahigit PhP bilyon sa loob ng 12 taon sa paghahakot at pagtambak ng basura at ang budget dito ay lalo pang tataas kung hindi makapagtayo ang pamahalaang lungsod ng permanente at aplikableng solid waste management disposal facility.

Ang gastos sa basura ay napagkaitan ang implementasyon ng iba pang planong pag-unlad ng lungsod na mas mahalagang mga proyekto. Tinatayang nasa PhP100 milyon ang budget ng lungsod sa paghahakot ng basura sa probinsiya taon-taon.

Kailangang apurahin ang paghahanap ng mga paraan sa pamamahala ng basura at ang nakikita ay ang waste-to-energy na isang praktikal at di-gaanong masama. Sinubukan na ng gobyerno na pigilan ang pagbulusok ng basura sa pamamagitan ng R.A. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act na layong sistematikong iorganisa at panatilihin ang pamamahala sa koleksiyon at pagtapon ng solid waste kabilang na ang pagpapasara sa mga open dumpsites.

Nabigo ang karamihan o di man lahat ng lokal na gobyerno na sumunod sa batas at nagkukumahog ngayon sa mga solusyon sa problema ng kanilang basura dahil sa pagsasara ng mga dumpsites.

At dahil nagigipit na sa sitwasyon ay pumapasok na ang mga WTE companies alok ang makabagong teknolohiya at makabagong solusyon sa problema.

Sa multi-bilyon na halaga ng WTE facility ay natural lamang na malaki rin ang katapat na iaambag ng lokal na gobyerno, subalit kung totoo nga na walang gagastusin ang pamahalaang lungsod ng Baguio ay mainam ito.

Kung ang WTE ang tanging solusyon ay dapat malinis lahat ng agam-agam at maayos, masunod ang itinatakda ng batas para sa kaginhawaan ng lahat ng mamamayan at ng susunod pang mga henerasyon, dahil kung hindi ito natugunan sa lalong madaling panahon ay baka magsisi lamang tayo dahil wala tayong nagawa – dahil sa magkakaibang interes at paniniwala.

Sa kabilang banda ay huwag tayong masyadong umasa sa proyektong waste-to-energy upang sugpuin ang basura kundi bigyan pa rin ng edukasyon ang mga komunidad ng mga pamamaraan sa minimization, re-use at recycling.

PMCJr.

Amianan Balita Ngayon